Ni Dave M. Veridiano, E.E.

NASA elementarya pa lamang ako nang magsimulang magkimkim ng galit sa mga laboratoryo ng gamot na gumagamit ng mga munting hayop, gaya ng dagang kosta at kuneho, sa pag-eeksperimento sa paggawa ng gamot. Bitbit ko ito hanggang sa ako’y nagbinata.

Sa paglalakad ko kasi papasok at papalabas ng paaralan sa may kalye Tayabas sa Sta. Cruz, Maynila ay lagi akong napapadaan sa isang laboratoryo na madalas kong makitaan ng mga patay na dagang kosta at kuneho na nakatambak sa malaking basurahan sa may gilid ng gusali ng laboratoryo.

Sa pag-uurirat ko, napag-alaman ko na ang mga itinapong patay na hayop ay ginamit sa mga eksperimento sa paggawa ng gamot sa loob ng laboratoryo. ‘Di masinop ang pagkakatapon ng basura kaya madali itong nabubungkal ng mga asong kalye at kumakalat sa bangketa ang mga patay na hayop.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Awang-awa ako sa mga patay na hayop. Napakahilig ko kasi sa pet na madaling alagaan sa bahay at naniniwala ako na ang mga nakita ko sa basurahan ay dapat ding itinuturing na pet, gaya ng mga inaalagaan kong pusa at aso…Dito ako nagsimulang magkimkim ng galit sa mga pagawaan ng gamot, partikular ang bakuna na noon ay bukambibig ng mga nanay kapag may sanggol sa kanilang bahay. Naranasan ko rin kasi ang masakit na turok ng karayom ng bakuna sa braso at puwit na noo’y nag-iiwan pa ng balantukang pilat!

Sa pagdaan ng mga panahon, nabaon na sa limot ang galit na ito at naunawaan kong kailangang magsakripisyo ng mga hayop upang mailigtas naman ang buhay ng mga tao, kaya ang dapat na isukli sa kabayanihan nilang ito – marubdob na pagkalinga at pagmamahal!

Makaraan ang anim na dekada, muling nanariwa ang galit ko sa dibdib. Sa pagkakataong ito ay hindi sa mga laboratoryong gumagawa ng gamot at bakuna, bagkus sa mga pinuno ng Department of Health (DoH) na kapural sa pagtuturok ng bakunang panglaban umano sa dengue sa 700,000 estudyante. Hindi pa pala lubos na nasusubukan ng laboratoryong gumawa ng Dengvaxia Vaccine, ang Sanofi Pasteur, kung ano ang mga negatibo nitong epekto sa mga nabakunahang bata.

Mantakin ninyo pumayag ang mga hinayupak na DoH official na bakunahan ang libu-libo nating kabataan kahit hindi pa lubos na alam kung makabubuhay o makamamatay ng pasyente…Tanong ko sa sarili – anong pinagkaiba ng mga batang ito sa nakita ko noong mga patay na dagang kosta at kuneho sa basurahan ng laboratoryo?

Mismong ang Sanofi ang nagsabi na may masamang epekto ito kapag itinurok sa mga taong hindi pa nakakapitan ng dengue – at sa tala ng DoH, halos 70,000 estudyante, mula sa kabuuang 700,000, ang nabakunahan na at pawang hindi pa nagkaka-dengue.

Grabe – ‘di ko mawari kung anong klaseng puso at pag-iisip mayroon ang mga opisyal na ito na kesehodang ipagsapalaran ang kalusugan at buhay ng mga estudyante, kapalit ng bilyones na KICKBACK sa palpak na transaksiyon.

Lumalagapak na P900 kada vial ang ipinatong ng mga opisyal na nakipag-deal sa kumpanyang Sanofi noong Nobyembre 2015, kaya makaraan ang isang buwan ay APRUB agad ang kontratang halos kasabay ng “special allotment release order” na halagang P3.5 bilyon...Wow nakalululang KITA na kapalit naman ng kalusugan at huwag naman sanang buhay ng ating 70,000 kabataan na naturukan!

Sa mga may pakana nito – MABITAY sana kayong lahat sa pagiging gahaman ninyo!!!

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]