Ni Erik Espina
BINUHUSAN na ng Palasyo ng malamig na tubig ang mga grupong naghihikayat kay Pangulong Rodrigo Duterte na magdeklara ng Revolutionary Government (RevGov).
Ito ay kahit pa karamihan sa mga namumuno ay mga tagasuporta ng Pamahalaang taga-Davao. Malinaw ang mga katagang binitiwan ng Pangulo hinggil sa isyung ito. Posible lang magkaroon ng RevGov kapag malawak na ang gulo at mabubuwal na ang malaya at lehitimong halal na gobyerno ng Pilipinas. Subalit, ewan ko ba, ang piniling ibatingaw at bigyang-diin ng mga kalaban ni Pangulong Duterte ay ang banta ng RevGov. Pilit ipinapakalat sa madla ng malilikot ang isip na magiging diktadurya, anila, ang kasalukuyang pamahalaan. And’yan ba naman ang ikumpara si Duterte kay dating Pangulong Ferdinand Marcos na gumamit ng kamay na bakal.
Marahil magpahanggang ngayon, hindi pa rin maunawaan (o sadyang ayaw talaga) ng ilang pulitiko, kasama ang dati nang mga kabagbagan ng Malacañang (halimbawa mga “Dilawan”), na bilang abogado, may kinakatigang batas at Konstitusyon ang bawat kilos at pananalita ng Sangay Ehekutibo.
Nakakaligtaan yata na kung may dapat banggitin na pangalan at administrasyon sa usapin ng RevGov, hindi dapat kaligtaan si Corazon “Cory” Aquino bilang pangalawang presidente ng Pilipinas na nangahas ipatupad ang RevGov sa ilalim ng palusot na “Democratic Constitution”. Ni si Pangulong Marcos na matalinong abogado, hindi gumamit ng ganitong uri ng pamamahala dahil, kung tutuusin, ang RevGov ang pinakamatinding uri ng gobyerno.
And’yan ang pinapawalang-bisa ang Saligang Batas, walang kongreso, at kung nanaisin ng pinuno ng RevGov, alisin ang Korte Suprema at kung ano pang ahensya ang naisin nitong tagpasin, palitan, dagdagan. Ito ang tunay na, “One man rule”. Ang basehan ng pag-akyat at pananatili sa posisyon ay lakas ng kapangyarihan gamit ang puwersa ng sandata o armas.
Hindi nangangahulugan na porke ang salitang armas ang pundasyon ng RevGov, agad susumahin na AFP ang sinasandalan.
Maaari rin magkaroon ng RevGov sa sitwasyon na, nagapi ang pambansang katihan, at mga rebelde na ang nanaig sa labanan. Ang babala sa isang RevGov ay labanan ito ng armas at dahas upang masungkit ang panguluhan.