Ni Aris Ilagan
SUKO ka na ba sa traffic?
Habang papalapit ang Araw ng Pasko, palala nang palala ang sitwasyon ng trapiko hindi lang sa Kalakhang Maynila subalit maging sa ibang mga siyudad sa bansa.
Reklamo tayo nang reklamo sa tindi ng traffic sa Metro Manila pero hindi natin naririnig ang mga hinaing ng mga motorista sa ibang siyudad na halos ganito rin ang sinasapit araw-araw.
Sa Cebu City, Davao City, Baguio City, Lucena City, magtanong kayo at ganun din kabagal ang daloy ng mga sasakyan.
Nakakaumay na!
Ito ang dahilan kung bakit malakas ang benta ng mga motorsiklo sa bansa.
Nitong nakaraang taon, umabot sa halos 1.5 milyon ang naibentang motorsiklo ng mga miyembro ng Motorcycle Development Program Participants Association o MDPPA.
Ang MDPPA ay kinabibilangan ng apat na Japanese motorcycle brand: Honda, Kawasaki, Suzuki at Yamaha. Ang ikalimang miyembro ay ang Kymco, na isang Taiwanese brand.
Marami na ang nagdedesisyon na bumili na lang ng motorsiklo imbes na makipagsabayan sa mga pasahero sa pag-aagawan ng masasakyan tuwing umaga at sa kanilang pag-uwi galing sa opisina o eskuwelahan.
Bukod dito, ‘tila walang katapusan ang pagtirik ng Metro Rail Transit kaya maraming empleyado ang nasisisante sa trabaho at estudyante na bumabagsak sa kanilang subject dahil karaniwang late sa pagpasok.
Okay, ngayong gusto mo nang bumili ng motorsiklo, papayagan ka naman ba kaya ng misis o nanay mo?
Ito ang suliranin ngayon ng ilang motorista na gusto nang magmotorsiklo subalit hindi makumbinsi ang kanilang pamilya dahil delikado raw sumakay sa sasakyang may dalawang gulong lang.
Iba’t ibang estilo ang ginagamit ng mga gustong makabili ng motorsiklo upang makumbinsi ang kanilang mga mahal sa buhay. Andyan ang paglalambing, o kaya’y pagbibigay ng regalo upang makuha ang kanilang matamis na ‘oo.’
Sa mahabang panahon kong pagmomotorsiklo, hindi pa rin ako naniniwala na ito ay mitsa ng buhay.
Kung ating iisipin, ang motorsiklo ay hindi nakamamatay kundi ang pagiging pabaya ng rider.
Lagi kong iminumungkahi sa mga nais magkamotorsiklo na sumailalim sa safety riding clinic bago sila bumili ng motorsiklo.
Marami na ngayong riding clinic sa bansa at hindi ito masyadong mahal kumpara sa mga sumasailalim sa safety driving clinic na gamit ay mga sasakyang may apat na gulong.
Sistematiko ang pagtuturo ng tamang pagsakay at paggamit ng motorsiklo sa mga riding clinic. Itinuturo rin doon ang basic engine trouble shooting at traffic signs.
Marahil kung nabigyan na kayo ng certificate of completion sa riding clinic, ito na ang magiging susi n’yo upang payagan ni misis.