Ni Bert de Guzman

MAY plano ang Department of Health (DoH) na humingi ng refund sa higanteng drug manufacturer ng dengue vaccine, ang Sanofi Pasteur, kasunod ng nakababahalang mga ulat na ang pagbabakuna nito ay nagdudulot ng panganib sa mga tao na walang history ng dengue.

Sumulpot ang kontrobersiya sa P3.5 bilyong dengue immunization program matapos ihayag ng Sanofi Pasteur na sa bagong clinical analysis, natuklasang ang DENGVAXIA vaccine ay mabisa lang sa mga tao na nakaranas na ng dengue bago bakunahan, pero may posibleng panganib sa mga tao na hindi pa tinatamaan ng dengue.

Gayunman, sinabi ng pharmaceutical giant Sanofi Pasteur na ang dengvaxia ay beneficial o makabubuti pa rin sa mga Pilipino. Pinayapa ng Malacañang ang nangangambang taumbayan, lalo na ang mga magulang, na ang mga anak ay nabakunahan ng dengvaxia, ang unang dengue vaccine sa mundo. Tinatayang mahigit 700,000 schoolchildren ang binakunahan ng kontrobersiyal na dengvaxia.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Sa isang presscon , sinabi ni Sanofi Pasteur global medical head Dr. Ng Su Peing, na dapat ikonsidera ng mga kritiko na ang bakuna ay nagkakaloob pa rin ng hanggang anim na taong proteksiyon laban sa dengue para sa mga taong may history ng dengue infection.

Idinagdag pa ni Dr. Ng Su Peing na maibababa ng dengvaxia ang tindi o kagrabehan ng dengue nang 80 percent at ang pagpapaospital nang ninety percent. Ayon sa kanya, tatlo sa apat na kaso ng dengue ay hindi nagpapakita ng sintomas.

May 150,000 kaso ng dengue sa ‘Pinas kada taon at siyam sa 10 Pinoy ang tinatamaan ng dengue pagsapit nila ng adolescence. Ito umano ay isang “public health priority” sa PH.

Matindi ang kinakaharap na hamon at problema ni Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno kaugnay ng impeachment complaint na inihain ni Atty. Lorenzo Gadon, supporter ni Pres. Rodrigo Roa Duterte at talunang kandidato sa pagkasenador ng Kilusang Bagong Lipunan nitong nakaraang 2016 election. Matapos palang tumestigo si SC Associate Justice Teresita Leonardo de Castro, tatlo pang SC justices ang handang tumestigo sa House committee on justice sa Disyembre 11. Sila ay sina Associate Justices Francis Jardeleza at Noel Tijam at retired justice Arturo Brion.

Samantala, inaalok daw ang mga senador ng tig-P200 milyon upang mapawalang-sala si Sereno, ayon kay Gadon. Agad umalma ang ilang senador sa bintang na ito ni Gadon na puro raw tsismis ang nalalaman tungkol sa impeachment complaint. Sinabi ni Gadon na tumanggap siya ng impormasyon na isang businessman/oligarch ang may planong suhulan ang mga senador kapag na-impeach si Sereno at dinala na sa Senado ang kaso para litisin ang Punong Mahistrado.