Ni Celo Lagmay
KAHIT na ano ang sabihin ng sinuman, ang pagpapatigil ng Department of Health (DoH) sa pagbakuna ng Dengvaxia ay nagdulot ng matinding pangamba at pagkataranta hindi lamang sa mga tinurukan ng naturang gamot kundi maging sa kanilang mga magulang at sa mismong mga mamamayan. Isipin na lamang na umaabot sa mahigit na 700,000 kabataang mag-aaral ang naturukan ng naturang dengue vaccine na natitiyak kong kakaba-kaba dahil sa ‘tila walang katiyakan na biyayang pangkalusugan o health benefits na maidudulot sa kanila ng nasabing bakuna.
Ang utos ng DoH ay nakaangkla sa magkakasalungat na impresyon tungkol sa epekto ng naturang bakuna sa mga dinapuan at sa dadapuan pa ng dengue; bilang paghahanda at pagsugpo ito sa madalas lumaganap na sakit na kung minsan ay humahantong sa epidemya.
Palibhasa’y naging biktima na rin ng mapanganib na dengue na likha ng kagat ng lamok na aedes aegypti, ikinatuwa ko ang paglulunsad ng pagbakuna ng Dengvaxia. Isang malapit na kamag-anak ang hindi pinaligtas ng naturang sakit.
Sa paliwanag ng DoH at maaaring maging ng World Health Organization (WHO), ang pagpapatigil sa nasabing bakuna ay bahagi lamang ng puspusang pagsusuri at pagsubaybay sa mga naturukan na ng Dengvaxia. Ibig sabihin, titiyakin lamang kung nasusunod ang mga patnubay at pamamaraan ng dengue vaccination. Kaakibat ito ng pagbibigay-diin na ang pagbakuna sa Dengvaxia at makabubuti lamang sa mga dinapuan na ng dengue at maaaring makasama sa mga hindi pa nagkakasakit ng dengue.
Isabay na rin dito ang pagpapaigting sa napipintong imbestigasyon ng Senado ng sinasabing masalimuot na transaksiyon sa pagtuturok ng Dengvaxia; kung sinu-sino ang mga opisyal ng DoH, at ng iba pang kaalyado ng nakalipas na administrasyon, ang nakisawsaw sa nabanggit na... transaksiyon. Isipin na lamang na umaabot sa halos tatlong bilyong piso ang halaga ng gamot na binili ng gobyerno na hindi matiyak kung kailan lilipas ang bisa ng nasabing gamot.
Isa pa, marapat lamang alamin kung ang nabanggit na transaksiyon ay nabahiran ng anomalya, lalo na ng pulitika. Sa aking pagkakatanda, ang Dengvaxia transaction ay pinagtibay lamang at ipinatupad halos ilang araw lamang bago idaos ang 2016 polls.
Ang ganitong mga sapantaha ay marapat lamang busisiin sa idaraos na Senate hearing upang hindi manatiling pinulitika ang Dengvaxia deal.