Sumuko kamakalawa ang 17-anyos na lalaki sa Caloocan City Police sa pagpatay sa negosyante na natagpuang tadtad ng saksak sa katawan sa loob ng kanyang condo unit sa Pasay City, dalawang linggo na ang nakalilipas.

Dumiretso ang isang “Rolly,” 17, tubong Masbate, kay Chief Inspector Nasciso Cajipe, Caloocan PCP-6 commander, at umamin na siya ang pumatay kay Rolando Abesamis, 72, ng Room 1614 Park Avenue Mansion sa Barangay 81, Pasay City noong Nobyembre 19.

Ang naaagnas na bangkay ni Abesamis ay nadiskubre ng nakababata niyang kapatid, si Antonio, anim na araw matapos siyang patayin, base sa ulat.

Sa isang panayam, sinabi ni Rolly na inamin niya ang ginawang krimen upang linisin ang pangalan ng kanyang kapatid, si Loida, 25, na kasintahan ni Abesamis.

Eleksyon

Abalos, nanawagan ng sapat na pondo para sa kaguruang magbabantay sa eleksyon

“I do not want my family to be implicated in what I have done,” sabi ni Rolly sa Balita.

Sinabi ni Rolly na nakasagutan niya si Abesamis matapos siya nitong akusahan ng pagnanakaw, bandang 11:00 ng umaga. Sinampal at sinuntok umano siya ni Abesamis.

“Hindi ko alam anong nawawala sa kanya. Paulit-ulit ‘yung sampal at suntok niya, hindi ako gumaganti. Hanggang sa kakaatras ko, hindi ko alam na kutsilyo na pala ang nahawakan ko. Nagdilim na ang paningin ko,” paggunita ni Rolly.

Aniya, pinagsisisihan niya ang kanyang ginawa at sinabing naging “bestfriend” niya rin si Abesamis.

Si Rolly, na namamasukang construction worker sa Taguig City, ay 11 buwan nang tumutuloy sa condo unit ni Abesamis.

“He welcomed me in his place and yet looked what I have done to him. If I could just make him alive again,” sabi ni Rolly.

“I am really really sorry to him, to his family,” diin niya.

Noong araw ding iyon, inilipat si Rolly sa kustodiya ng Pasay City police, ayon kay Modequillo. - Kate Louise Javier