Nina ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at BETH CAMIA

Nais ng Task Force Bangon Marawi (TFBM) na palawigin pa ang umiiral na martial law sa Mindanao upang matiyak ang seguridad at kaligtasan sa rehiyon habang isinasagawa ang rehabilitasyon sa Marawi City, Lanao del Sur, na nawasak sa limang-buwang bakbakan.

Ito ay kaugnay ng nakatakdang pagkakapaso ng batas militar na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtatapos ng taong ito, o 29 na araw simula ngayon.

Ayon kay Housing and Urban Urban Development Coordinating Council (HUDCC) Chairperson Eduardo del Rosario, mahalagang mapanatiling ligtas ang Mindanao kasunod ng mga intelligence report na nagbubunyag sa malawakang recruitment ng mga terorista.

Sementeryo sa Albay, pinagbubutas; masangsang na amoy, umaalingasaw

Aniya, aabot sa P100,000 ang iniaalok na bayad ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa mga taga-Mindanao para lamang sumanib sa grupo.

“Personally, I would like that martial law will continue during the rehabilitation phase because as chairman of Task Force Bangon Marawi, my main concern is the security of the whole rehabilitation effort,” sinabi ni del Rosario sa briefing sa Malacañang kahapon. “Just imagine, if something will happen in Marawi City during the rehabilitation phase, baka wala nang pumuntang mga contractors at laborers. Mahihirapan tayo sa rehabilitation,”

Gayunman, sinabi ni Del Rosario na kokonsultahin pa rin nila ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), dahil ang mga ito ang nakaaalam ng tunay na sitwasyon sa Marawi.

“We will be coordinating with the Armed Forces of the Philippines and the Philippine National Police (PNP) so that we can properly assess and make the necessary recommendation to the President as to the extension or not of the martial law in affected areas,” ani del Rosario. “They should know better. And the source of information will come from the barangays, kung saan nagsisimula ang mga recruitments.”

Mayo 23 nang mula sa Moscow, Russia ay ideklara ni Pangulong Duterte ang 60-araw na martial law sa buong Mindanao ilang oras makaraang salakayin ng Maute-ISIS ang Marawi.

Nang mapasô na ang 60 araw noong Hulyo 22, inaprubahan ng Kongreso ang pagpapalawig sa batas militar hanggang sa Disyembre 31, 2017.

Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na ang pagbawi o pagpapalawig sa martial law sa Mindanao ay nakasalalay sa rekomendasyon ng AFP at PNP.