Ni: Reggee Bonoan
MUKHANG susunod sa mga yapak ni Coco Martin si Liza Soberano na may sey rin pala sa creative department ng projects sa TV man, movie o pictorials for ads.
Nakatsikahan namin the other day over a merienda ang manager ni Liza na si Ogie Diaz at binanggit namin ang litrato ng dalaga na nakasuot ng shades sa iniendorsong produkto, naka-display sa isang kiosk sa sosyal na mall.
“’Gie, dumaan ba sa ‘yo ‘yung pictorial ni Liza for Sunnies Shade?” sabi namin kay Ogie. “Mukha siyang haggard, parang hindi inalagaan sa pictorial, parang minadali.”
“Baka ganu’n ang concept,” sey ni Ogie. “Kasi minsan ang mga kliyente may iba silang gustong look na para hindi kaagad makilala ‘yung endorser ‘tapos kapag tinitigan, doon lang makikilala. Minsan kasi ganu’n, eh. Saka mahusay ‘yung photographer na nag-shoot, mula pa sa US.”
Hindi naman kuwestiyon kung saan galing ‘yung photographer, hirit namin, ang concerned namin, haggard si Liza, parang hindi inayos o nilagyan ng filter man lang.
“Eh, baka nga ganu’n ang gustong concept, at saka lahat ng pictorial ni Liza, dumadaan sa akin at kay Liza mismo.
Kung hindi approved sa akin ‘tapos approved kay Liza, siya ang masusunod. Baka iyon din ang gusto niya (Liza). Para makita ko ‘yang sinasabi mo, next time kunan mo para malaman ko.”
Napakuwento tuloy ang manager ni Liza na, “Actually, si Liza nakikialam ‘yan sa lahat. Kapag may script at hindi niya katono o bagay sa kanya o sa character niya ‘yung sinasabi, nagsa-suggest siya kung ano sa tingin niya ang mas maganda, may mga inputs siya.
“Nagtatanong siya kung ano ang ang mangyayari sa next o bakit ganito o ganu’n. Para alam niya kung paano. Eversince ganu’n si Liza, maraming tanong. Umpisa pa lang nagsasabi na siya na ganito o ganyan, hindi ‘yan basta oo na lang.
Aalamin niya kung ano’ng mangyayari sa eksena kapag ginawa niya.”
Kaya hindi na tayo magtataka, Bossing DMB kapag nabasa na rin natin ang pangalan ni Liza sa credits ng susunod niyang projects.
Samantala, bukod sa seryeng Bagani nina Liza at Enrique Gil ay abala pa rin ang dalaga sa training niya para sa Darna movie na uumpisahan na ang shooting sa ikawalang Linggo ng Disyembre ngayong taon.
Hindi minamadali ang Darna unlike ng ginawa sa Unexpectedly Yours na ilang linggo lang kinunan kasama na ang pre-prod at post prod.
Balita namin ay sa last quarter ng 2018 pa ipalalabas ang Darna na mabusisisi ang mga eksena.
Wala pang napipiling leading man for Liza sa Darna at kung tama ang dinig namin ang gaganap daw na Ding ang gumanap na batang Tristan sa La Luna Sangre na si James Quilantang.
Mabilis lumaki o tumangkad ang mga bata ngayon, sana maabutan pa nina Direk Erik Matti na bagets pa si Tristan o James kasi baka ‘pag nag-shoot na sila, eh, kasing tangkad na niya si Daniel Padilla.
Anyway, kuwento sa amin ng mga dumalo sa katatapos na ABS-CBN Trade Launch para sa 2018 shows, most applauded ang LizQuen nang bumulaga sila sa stage at naghiyawan ang advertisers sa magandang trailer ng Bagani na ipapalabas first quarter ng 2018.
Hmmm, anong timeslot kaya ilalagay ang Bagani?