Ni: Martin A. Sadongdong
Inaasahang malungkot ang pagdiriwang ng Pasko ng nasa 200 pamilya sa Taguig City makaraang mawalan sila ng tirahan nang lamunin ng apoy ang kanilang mga bahay dahil sa napabayaang kalan, nitong Miyerkules ng hapon.
Nagsimulang sumiklab ang apoy sa Zone 7, Minipark, Fort Bonifacio, bandang 5:22 ng hapon at mabilis na umabot sa Task Force Alpha makalipas ang 37 minuto, ayon kay Chief Insp. Ian Guerrero, Taguig fire marshall.
Sa ganap na 6:47 ng gabi, idineklarang under control ang apoy bago tuluyang naapula dakong 8:04 ng gabi.
Kinilala ang tatlong sugatan na sina Arnel Bacasin, 34, na nagtamo ng second degree burn; Mary Lavina, 14, na nahirapang huminga makaraang makulong sa kanyang kuwarto bago tuluyang nasagip; at Fire Officer 1 Dean Erot na sumakit ang likod matapos mahulog sa fire truck.
Sinabi ni Guerrero nagsimula ang sunog sa isang paupahan sa gitna ng residential area na pag-aari ng isang Luzviminda Uriate.
Tinatayang nasa P1 milyon ang kabuuang halaga ng pinsala.