Ni MARY ANN SANTIAGO
Muling nagkasa ng dalawang-araw na nationwide transport strike ang isang transport group sa Disyembre 4 at 5, sa patuloy na pagkontra sa Department of Transportation (DOTr) Department Order 2017-011 o jeepney modernization program.
Sa press conference sa National Press Club (NPC), sinabi ni George San Mateo, convenor ng No to Jeepney Phase-Out Coalition (NTJOC) at Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), na hindi sila patitinag sa bantang “crackdown” ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Enero 1, 2018.
Una nang inihayag ng DOTr na sisimulan na nila sa Enero 1 ang paghatak sa mga lumang public utility jeepneys (PUJs) na mahuhuling namamasada pa rin.
Ayon kay San Mateo, hindi sila naniniwala na ang naturang DO ay hakbang para sa “jeepney modernization”.
Giit niya, isa umano itong “malaking negosyo” at balon ng kurapsiyon ng gobyerno.
Nabatid na apektado sa isinusulong na jeepney modernization program ang nasa 250,000 jeepney operators at 600,000 drivers na posibleng mawalan ng pagkakakitaan.
Inakusahan din ni San Mateo si Pangulong Duterte na ang naturang hakbangin ay pagpapapogi lamang sa mga dayuhan at lokal na kapitalista.