Nagtamo ng mga paso sa katawan ang tatlong katao makaraang masunog ang isang gasolinahan sa Barangay Wack-wack, Mandaluyong City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Eastern Police District (EPD) Director Police Chief Supt. Romulo Sapitula ang mga nasugatan na sina Raymond Cane, 34, fishball vendor; Bonifacio Base, 70, balut vendor; at Orlando Aquino Salud, 23, back hoe operator.

Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Mandaluyong City, sumiklab ang apoy sa Petron Gas Station, na matatagpuan sa Shaw Boulevard, kanto ng Wack-wack Road, sa Bgy Wack-Wack, bandang 5:00 ng hapon.

Una rito, naghuhukay si Salud, gamit ang backhoe, sa isang construction site nang matamaan niya ang isang condemned na tangke ng LPG ng gasolinahan.

National

Ex-Pres. Duterte, nag-offer ng reward para sa drug war killings — Garma

Posible umanong may natitira pang fumes ang tangke kaya sumingaw ito.

Umabot naman ang singaw sa lugar kung saan kasalukuyang nakabukas ang kalan na ginagamit ni Cane sa pagluluto ng fishball, na nagresulta sa pagsabog ng kanyang tangke at nauwi sa sunog.

Nadamay at nasugatan din sa insidente si Base na nagtitinda ng balut noong oras na iyon.

“Nagkataon po na may fishball vendor na malapit, so open flame po ‘yun so, ayun po, hinigop niya, so doon po nag-start ang fire,” ani Fire Insp. Francia Embalsado, chief for operations ng BFP Mandaluyong.

Tupok na tupok naman ang motorsiklo ng isang trabahador ng naturang gasolinahan at napinsala rin ang dumaraang Toyota Fortuner (NR 367) na minamaneho ni Leonora Oba.

Naapula ang apoy, na umabot ng unang alarma, bandang 5:22 ng hapon at tinatayang aabot sa P500,000 ang halaga ng naabong ari-arian. - Mary Ann Santiago