Ni: Ric Valmonte

“NAIS naming malaman kung may probable cause dito, pero sa nangyayari ngayong pagdinig, ang komite ang nagsusumikap na humanap ng ebidensiya para suportahan ang iyong reklamo. Kailangan may ebidensiya ka,” ito ang sinabi ni Quezon City Rep. Jose Christopher Belmonte bago suspendihin ng House Committee on Justice ang pagdinig sa impeachment complaint laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno ng Supreme Court (SC) nitong Miyerkules.

Ang kanyang pinayuhan ay si Atty. Lorenzo Gadon na nagreklamo laban sa Punong Mahistrado. Sa kalagitnaan naman ng paglilitis, hiniling ni Atty. Gadon sa komite na imbitahan si SC Associate Justice Teresita de Castro upang makapagpaliwanag sa isyung pinalsipika ni Sereno ang temporary restraining order (TRO). Ayon sa kanya, iyong draft ng TRO na nagbuhat kay De Castro ay binago umano ni Sereno na hindi napag-usapan ng mga kapwa mahistrado sa session en banc. Ang problema kay Gadon, na inamin naman niya, impormasyon lamang ito na nabasa niya sa 2013 article ng Manila Times na sinulat ni senior reporter Jomar Canlas. Kaya, para mapatunayan niya itong kanyang paratang na panghuhuwad sa TRO, pinaiimbitahan niya sa komite si AJ de Castro. Yamang din lang na inimbitahan si De Castro, pinaimbitahan na rin ni Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao ang lahat ng mahistrado na inaprubahan ng komite.

Batay sa naging assessment ni Rep. Belmonte, walang batayan ang impeachement case laban kay CJ. Sinubaybayan ko ang pagdinig, mula nang ito ay magsimula hanggang sa ito ay matapos, sa pagbusisi ng mga miyembro ng komite at lumabas na ampaw ang mga alegasyon ng impeachment complaint. Wala nang ebidensiyang sumusuporta sa mga ito, tsismis pa ang iba.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Kung nakalusot ang complaint na sapat sa porma at sustansiya, dapat ay ibinasura na ito ngayon dahil walang probable cause. Wala namang pagkakaiba ang impeachment complaint na ito sa impeachment complaint na isinampa ni Rep. Gary Alejano laban kay Pangulong Rodrigo Duterte, pero magkaibang trinato ng komite ang dalawa. Dinismis kaagad iyong laban sa Pangulo at hindi na binigyan ng pagkakataon si Alejano na ipakita na ito ay may probable cause, tulad ng ginagawa ngayon dito sa impeachment case ni CJ Sereno.

Para patunayan pa na may probable cause ang impeachment complaint laban kay CJ Sereno, sukat ba namang imbitahan pa ng komite ang buong kasapian ng SC. Nais ng komite na nasa harap nito ang lahat ng mahistrado para makapagbigay ng ebindesiya na ang obligasyong ito ay tungkulin ni Gadon na nagrereklamo. Binura na nito ang linyang naghihiwalay sa mga departamento ng gobyerno, na sa ilalim ng demokrasya, ay magkahiwalay, patas at malaya sa isa’t isa. May punto pa na sa isyu ng SALN, gustong makuha kay CJ Sereno ang mga impormasyong hindi kayang ibigay ni Gadon. Maliwanag na sa nangyayari ngayon sa impeachment proceeding laban sa Punong Mahistado, eh ginagamit sa hindi magandang layunin lalo na’t inoobliga pa ito ng komite na dumalo sa pagdinig. Ginigiba na ang ating demokratikong institusyon.