Ni: Dave M. Veridiano, E.E.
NOONG aking kabataan ay makailang ulit din akong nakapanood ng SARSUWELA, dulang nilapatan ng tugtugin at awitin, bago ito unti-unting nilamon ng panahon at natabunan ng makabagong libangan ng mamamayan. Ang kalimitang tema nito ay “love story” na katha ng mga batikang manunulat; gaya nina Benigno Zamora, Severino Reyes, at Clodualdo del Mundo.
Ang paborito ko sa lahat ay ang “Dalagang Bukid”, ang pinakasikat na sarsuwelang Tagalog.
Kaya nang marinig kong “sarsuwela” ang pinag-uusapan ng mga driver sa terminal ng UV Express na aking sinasakyan pauwi sa Novaliches, Quezon City, bahagya akong dumikit sa kanilang pag-uumpukan upang makitsismis… Medyo naintriga agad ako nang marinig ang may pang-uuyam na salita ng “dispatcher” na sa tingin ko’y pinakamatanda sa grupo: “Ang tindi naman talaga ng ‘sarsuwela’ ng mga taga – DoJ. Ang galing nilang magdrama!”
Napatigalgal ako at agad nakabawi, saka natawa sa sarili nang malaman kong ang pinag-uusapan ng mga ito na “sarsuwela” ay ang palabas na balita sa telebisyon, hinggil sa pagbasura ng Department of Justice (DoJ) sa kaso laban sa mga pinuno ng Bureau of Customs (BoC) kung paano nakalusot sa Adwana ang 604 na kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.4 bilyon bago ito nakumpiska ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang warehouse sa Valenzuela City.
Ayon kay Tatang Dispatcher – na sa wari ko’y pinakikinggan naman ng mga nakapalibot sa kanya na mga mas batang tricycle driver - kitang-kita naman daw ang ginawang “sarsuwela” ng DoJ sa kaso ng mga opisyal ng BoC na pinangungunahan ng dati nitong pinuno na si Nicanor Faeldon.
Sa pagkakarinig ko kay Tatang Dispatcher, ipinagdiinan niya na “sarsuwela” o drama lamang sa pagitan ng mga maimpluwensiyang drug lord at protektor na opisyal ng gobyerno, lalo na sa DoJ at mga koneksiyon nito sa hudikatura, ang pag-absuwelto sa mga taga-BoC… Marami umano kasing namamantikaan ang “katas ng ilegal na droga” rito sa ating bansa.
Malalim si Tatang Dispatcher, kaya nga pati ang kahulugan ng salitang “sarsuwela” na paulit-ulit nitong binanggit sa mga diskurso niya, ay ipinaliwanag niya rin sa mga tricycle driver na kitang-kita ang pagiging interesado sa mga sinasabi nito.
Ang ilan pang may kabuluhang tanong ni Tatang Dispatcher ay kung bakit ibinasura ang kaso, samantalang maliwanag naman na may “probable cause” ito dala ng pagbalewala ng BoC sa mga legal na probisyon na gaya ng “coordination, reporting at proper turn-over sa PDEA” ng mga kumpiskadong epektos bago at hanggang matapos ang operasyon. Kung ganitong hindi man lamang nakanti si Faeldon sa ipinalabas na resolution ng DoJ, hanggang kanino kaya nakasalalay ang pagpapasiyang ito?
Ito naman ang nakikita ko – na sa desisyong ito ng DoJ, ‘di kaya maging dahilan ito ng “paglayo” sa... administrasyon ng dalawang masugid nilang kaalyado – sina Senador Dick Gordon at Ping Lacson – na kapwa naninindigan na may sabwatang naganap sa mga taga-BoC at mga sindikato ng droga sa paglusot ng bilyong pisong halaga ng epekto sa Adwana?
May kasunod pa kaya ang “sarsuwela” sa DoJ?
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]