Ni REGGEE BONOAN

MUNTIK naming hindi makilala si Yeng Constantino sa launching ng Filipono-Chinese Star Concert na may titulong Nice To Meet You dahil kulay itim na ang buhok niya.

YENG copy

Nasanay na kaming may kulay ang buhok ng Pop-rock Princess na ang dahilan ay, “Hindi puwedeng magpakulay kapag magbubuntis, papasok sa katawan ‘yung chemicals. ‘Yung ‘sinusuot ko sa Showtime na purple, ‘nilalagay ko lang ‘yun, hindi ko hair (wig) ‘yun,” paliwanag ni Yeng.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Tatlong taon nang kasal sina Yeng Victor Asuncion kaya pinaplano na nila ang pagkakaroon ng anak.

“Nag-try lang this year, kalagitnaan, ‘kaso nagkakaroon ako bigla, so hopeful pa ako, lungkut-lungkutan lang,” pahayag ng singer.

Dahil ba busy at lagi kasi siyang pagod kaya hindi pa sila makabuo?

“Not as busy like 2016, mas maluwag ngayon kaya feeling ko nga, perfect time ngayon. Wala akong solong concert this year, feeling ko nga sinadya ‘yun ng management (Cornerstone) para makabuo kami.

“Busy lang ako sa album ko, one year in the making, patapos na. Ang hirap kasi ng schedules ng mga arranger at ako rin, kapag hindi nagtatagpo mahirap gumawa ng isang kanta. Producer ko rin si Jonathan (Manalo), ang dami nang artists ngayon ng Star Music, so kailangan mong hanapin ang petsa kung kailan ka sasalang (sa recording).

“One hunred percent (100%) ako ang nagsulat ng mga kanta ko this time, mga eight songs lahat. Ilo-launch ang first single ko this January 2018, wala pang title. May sinabi akong title hindi ko alam kung ia-approve nila, gusto ko meet halfway kami ng management,” kuwento ni Yeng.

“Iba-ibang sound kasi for the longest time, napako ako sa title na pop-rock music which is hindi naman masama. Ang mga sinulat ko ngayon ay tungkol sa mga taong nasa paligid, kaya hindi ito tungkol sa akin. Songs ng mga tao, wala talagang relates sa buhay ko itong mga sinulat kong kanta.”

Hindi tunog Yeng Constantino?

“Ibang-iba kasi kailangan ko ring mag-evolve as a songwriter, ako mismo sa sarili ko ay gusto ko ring ma-excite sa ginagawa ko. Hindi naman puwedeng ‘yun at ‘yun na lang,” katwiran ng isa sa mga hurado ng Tawag ng Tanghalan.

Samantala, first time magkakaroon ng concert sa Pilipinas ang Filipino-Chinese singers kaya excited si Yeng.

“Actually, second time na akong makasama sa ganitong show, pero sa China ginawa, ‘yung China Asean Friendship Concert last year, iba’t ibang nationalities ang kasama, may Cambodian, Thai, Singaporean, Chinese, marami kami. Kaya first time rito sa Philippines,” saad ni Yeng.

Dahil sa awiting Ikaw ay lagi siyang kasama sa ganitong shows.

“Ginawan ko kasi ng Mandarin version ‘yung Ikaw, so feeling ko natuwa sila. ‘Yung boss ko sa Academy of Rock Singapore ang nag-transcribe, kasi Chinese siya, so ‘yun. Kaya nagulat ako nu’ng ang daming nagkagusto, hindi ko ini-expect,” masayang sabi ng mang-aawit.

Ang singers na makakasama niya sa Nice To Meet You show ay sina G.E.M., Della Wu, Chief (Chao Chuan) at Da Zhuang na napakasikat talaga sa China, sabi mismo ni Yeng.

“Sobrang sikat talaga sila sa kanilang mga bansa, promise, lalo na siya (GEM), pinapanood ko siya sa YouTube, grabe, ang galing niya,” aniya pa.

Kasama rin si Kim Chiu sa show pero hindi nakarating sa launching dahil abala sa taping ng Ikaw Lang Ang Iibigin serye nila ni Gerald Anderson.

Samantala, lima hanggang anim na awitin ang kakantahin ni Yeng sa concert na gaganapin sa Mall of Asia Arena sa January 17, 2018, 8 PM.

“Lahat ng original songs ko like Hawak Kamay, Ikaw, solo-solo spot kami, walang duet, kanya-kanya kami. As of now, hindi ko pa alam kung live band kami, hindi ko pa nakita ang contract, pinapunta lang ako ngayon,” kuwento ni Yeng.