Ni: Manny Villar

ANG paggamit ko ng salitang “kinabukasan” sa pamagat ng pitak na ito ay may kasamang pasubali dahil marami sa mga bagay na aking tatalakayin ay nangyayari na sa kasalukuyan. Dahil sa bilis ng pagbabago sa teknolohiya at komunikasyon ay tila nasa kabilang kanto na lang ang kinabukasan.

Una ko itong nakita sa pagbisita ko sa Estados Unidos ilang linggo na ang nakararaan. Nagtungo ako sa Silicon Valley na matatagpuan sa San Francisco Bay Area, at ang sumisibol na sentro ng teknolohiya sa Seattle sa estado ng Washington. Ang dalawang ito ang mga pangunahing sentro ng teknolohiya sa Estados Unidos.

Sa maikling pagbisitang iyon ay namangha ako sa nakikitang anyo ng kinabukasan. Naakit ako sa mga posibilidad sa teknolohiya, lalo na ang nauukol sa mga negosyo at dako ng paggawa.

Night Owl

Bakit Dapat Tumanggi ang Pilipinas sa Online na Pagboto

Lubha akong interesado sa mga pagsulong sa teknolohiya at kung paano maaapektuhan ng mga ito ang pagnenegosyo at ang ating buhay. Sa pangkalahatan, naniniwala ako na pagagandahin ng teknolohiya ang ating buhay. Gayunman, maaari ring magkaroon ng negatibong epekto dahil sa paraan ng paggamit o pag-abuso sa teknolohiya.

Una kong napansin sa Seattle ang nauukol sa kape. Napakaraming tindahan ng kape sa lungsod, na kilala bilang sentro ng pagsabog ng kultura ng kape sa Estados Unidos. Tinataya na mas maraming kape ang naiinom ng mga residente ng Seattle kaysa alinmang lungsod ng mga Amerikano.

Ang lalong nakagugulat ay ang popularidad ng tinatawag na “artisanal,” o pangatlong pagsulong ng mga kapihan -- Philz, Blue Bottle, Anchorhead, Analog – na nakikipagkumpitensiya sa mga higanteng gaya ng Starbucks.

Ang unang kilusan sa pagsulong ng kapihan ay nangyari noong dekada sisenta, nang maging malawak ang pag-inom ng kape.

Sa popularidad ng pag-inom ng kape, ay isinilang ang malalaking kumpanya na gaya ng Starbucks – naging kaugalian na ang pag-inom ng kape sa labas ng tahanan, at ang mga kumpanyang ito ay nagkamal naman ng salapi.

Ang ikatlong pagsulong ay nakatuon sa bagong pagluluto ng kape, pananatili ng negosyo at ang tuwirang kalakalan sa pagitan ng mga gumagawa ng kape, mga barista at mga umiinom nito.

Naaayon ang kilusang ito sa kinabukasan ng teknolohiya dahil ang karamihan sa mga mahilig sa kape ngayon ay mga millennial at mga nagtatrabaho sa industriya ng teknolohiya.

Nagiging karibal na ng Silicon Valley ang Seattle at iba pang lungsod sa Washington kung pag-uusapan ang yaman. Dito matatagpuan ang mga opisina ng Amazon, Microsoft and Expedia at iba pang kumpanya ng teknolohiya sa Estados Unidos.

Matatagpuan din dito ang mga sangay ng Alphabet at Facebook, at maging ang Twitter at Google.

Gusto ko lang banggitin na ang Amazon at Microsoft ay pinatatakbo ng dalawa sa mga pinakamayayamang tao sa daigdig.

Sina Jeff Bezos ng Amazon at Bill Gates ng Microsoft ay may kabuuang yaman na mahigit $180 billion.

Ayon sa The Economist, may 250,000 manggagawa sa industriya ng teknolohiya sa estado ng Washington, at ang Am

azon ang may pinakaraming empleyado sa Seattle. Ang mga software engineer ay karaniwang kumikita ng $126,000 sa isang taon.

Mararamdaman ng mga dumadalaw sa lungsod ang tila walang tigil na aktibidad, at inaasahan na laging may taong lumilikha ng bagay na magpapabago sa daigdig.

Sa ikalawang bahagi ng artikulong ito ay tatalakayin ko kung paano maaapektuhan ng teknolohiya ang mga negosyo sa atin at kung nasaan ang Pilipinas sa harap ng mga pagbabagong ito.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)