Ni DANNY J. ESTACIO
TAGKAWAYAN, Quezon – Dalawampu’t apat na pasahero ang nasugatan at dalawang driver ang kritikal ang lagay makaraang magkarambola ang tatlong pampasaherong bus sa Quirino Highway sa Barangay San Francisco, Tagkawayan, Quezon, nitong Lunes ng gabi.
Dalawang driver ng parehong Philtranco bus ang napaulat na kritikal ang lagay, ayon sa Tagkawayan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), subalit hindi muna sila pinangalanan.
Dinala ang mga pasahero sa Ma. Lourdes Eleazar Memorial District Hospital sa Tagkawayan.
Ayon sa mga ulat, bandang 10:40 ng gabi at sabay na tinatahak ng Philtranco Bus at Elavil Bus ang iisang lane sa pataas na bahagi ng highway patungong Bicol galing sa Maynila.
Sa kabilang lane, tinangka ng isa pang Philtranco Bus na mag-overtake sa sinusundan nitong sasakyan pero nabangga nito ang likuran ng Elavil Bus.
Dahil dito, sumalpok ang Elavil sa likuran ng Philtranco Bus.