Ni: Celo Lagmay
TUWING binabagtas ko ang barangay road sa aming lalawigan, lalong nabubuo sa aking kamalayan ang kahalagahan nito sa pagpapaunlad ng kabuhayan tungo sa pagkakaroon ng sapat na pagkain sa buong kapuluan. Ang naturang maliliit na kalsada na tinaguriang ‘farm-to-market roads’ ay lubhang kailangan para sa mabilis na paghahatid sa kabayanan, mula sa kanayunan, ng mga produktong pang-agrikultura na inaani ng mga magsasaka at mangingisda; ibinibiyahe sa mga pamilihan ang naturang mga ani na pinapakyaw naman ng mga negosyante upang iluwas sa kalunsuran, lalo na sa Metro Manila.
Nakapanlulumong mabatid na hanggang ngayon, nakatiwangwang pa rin ang gayong mga kalsada sa ilang barangay sa iba’t ibang bayan; putul-putol pa rin ang mga ito at at maliwanag na pinabayaan ng mga kontratista dahil marahil sa kakapusan ng pondo; ang iba ay nagkawasak-wasak na sapagkat sub-standard, wika nga, ang ginamit na mga materyales.
Sa ilalim ng nakalipas na mga administrasyon, ang konstruksiyon ng nabanggit na mga kalsada ay ibinabatay sa rekomendasyon ng mga mambabatas at ng local government units (LGUs). Malimit kaysa hindi, ang pondong inilalaan sa gayong mga proyekto ay nagmumula sa pork barrel ng mga mambabatas; bahagi ito ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) na noon ay nakapaloob sa General Appropriations Act (GAA).
Subalit mula nang ipasiya ng Supreme Court (SC) na labag sa Konstitusyon ang PDAF, lalong naiwang nakatiwangwang ang feeder at farm-to-market roads. Walang magawa ang mga mambabatas kundi manuyo na lamang sila sa iba’t ibang departamento ng gobyerno para sa implementasyon ng makabuluhang mga pagawaing-bayan sa kani-kanilang mga distrito.
Dahil dito, naniniwala ako na panahon na upang ipaubaya sa Department of Agriculture (DA) ang konstruksiyon ng naturang mga kalsada. Yamang sa naturang kagawaran iniatang ang pagtiyak na magkaroon ng sapat na ani at pagkain, marapat lamang na ito ang dapat mangasiwa sa programa tungo sa pagkakaroon ng sapat na ani at pagkain.
Dito kakailanganin ang kooperasyon ng LGUs – mga barangay officials, alkalde at gobernador. Si Gob. Cherry Umali, bilang isa, ay naniniwala na marapat lamang ipagkatiwala sa DA ang implementasyon ng nabanggit na programa. Ang ganitong pananaw ay binigyang-diin ng punong lalawigan sa pamamagitan ng kanyang tagapagsalita na si Provincial Administration Atty. Al Abesamis.
Sa pagsisikap ng DA na pinamumunuan ni Secretary Manny Piñol, maaasahan natin ang mistulang pagsasala-salabat ng farm-to-market roads tungo sa inaasam nating kaunlaran; hindi putul-putol na pagpapaunlad.