Ni: Orly L. Barcala

Kalaboso ang dalawang magkapatid, na umano’y nanalisi ng cell phone, nang mapilitan silang lumutang sa sapa matapos kapusin sa paghinga sa Valenzuela City, kahapon ng umaga.

Sa report ni PO3 Robin Santos kay SPO4 Armando Delima, deputy chief ng Station Investigation Unit (SIU), sinampahan ng kasong theft si Jaypee Salas, 22; at ang kapatid niyang itinago sa pangalang “Michael”, 14, kapwa ng Block 35, Lot 17, Northville 2B, Bagumbong, Caloocan City.

Sa kuwento ng saksing si Ricky Villanueva, 42, kay PO3 Joel Madregalejo, nakita niyang pumasok ang magkapatid sa bahay ni Reden Talico, 35, sa New York Street, Sta. Lucia Phase 4, Barangay Punturin, Valenzuela City, bandang 8:00 ng umaga.

Internasyonal

Mga Pinoy na ilegal na naninirahan sa Amerika, binalaan ng PH Ambassador

Tinangay umano ng mga suspek ang dalawang cell phone ni Talico, kaya hinabol sila ni Villanueva at ng iba pang naroroon.

“Nakatalon daw sa bakod na pader ‘yung magkapatid tapos hindi na nakita kasi dead end na at sapa pa ‘yung paligid.

Malalim ang tubig kasi maghapon ang ulan,” kuwento ni PO3 Madregalejo.

Hindi umalis sa paligid ng sapa ang mga humahabol sa magkapatid, hanggang sa napilitang umahon ang mga ito matapos kapusin ng hininga.

Dahil dito, binitbit ang mga suspek at idiniretso si Jaypee sa presinto habang sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) naman si Michael.