Ni: Dave M. Veridiano, E.E.

HINDI ako nag-iisa, alam kong marami akong kasangga na palaging nagiging biktima ng naglalahong parang bula na mga LOAD sa cell phone na gamit araw-araw. Walang mapagreklamuhan kaya ang sama ng loob ay idinaan sa buntong-hininga!

Ako naman ‘yung klase ng taong dahil ‘di mapakali sa kawalan ng mapagsusumbungan, gagawa ng paraan upang malaman kung paano ako niloloko upang makapag-ingat at ‘di na muling maisahan.

Nakagawian ko nang mag-load nang sobra sa aking cell phone para ‘pag nag-expire na ‘yung PROMO ng mga network provider – ‘di ko na babanggitin kung SMART, GLOBE, SUN, PLDT, BAYANTEL, TALK & TEXT, TOUCH MOBILE ang gamit ko kasi pare-pareho naman sila ng mga pakulo – sa gamit kong mga cell phone ay diretso na uli sa pag-apply ng PROMO at ‘di na mag-aksaya ng oras sa paghahanap ng mapapa-loadan.

Night Owl

Bakit Dapat Tumanggi ang Pilipinas sa Online na Pagboto

Ang problema, nakatitipid nga ako ng oras ngunit wala akong kamalay-malay na halos ¾ ng naiwan kong load sa cell phone ay NINANAKAW pala ng mga kumag na negosyante, na sa aking palagay ay kakutsaba ng mga network providers, na ang ikinabubuhay ay ang mga promong pang- GAMES at TRIVIA sa mga cell phone account holder.

Pare-parehong apat na numero lang ang gamit ng mga ito, at mapapansing madalas mag-text sa cell phone at nagsasabing “SUBSCRIBER” sa pakulo nila ang cellphone holder sa halagang P20 kada linggo o kaya’y installment na P2.50 kada may makita silang load sa cell phone… Ang cellphone ko, dahil parating may sobrang load na P200, ay naka-enroll sa limang GAMES na ni minsan ay ‘di ko pa nalaro dahil ordinaryong pang CALL at TEXT lang ang gamit ko!

Nang mapansing madalas nauubos ang aking reserbang load ay nagbantay ako – dito ko nahalatang NINANAKAW pala ng mga pa-PROMO na ito ang aking load. May contact number sa text para sa mga reklamo, pero nanigas na ang mga daliri ko sa kada-dial ay walang sumasagot…mga HAO SIAO ito!

Ang mas nakaiinis pa – ikaw ang tini-text pero ikaw pa rin ang magbabayad nito. Binantayan ko kasi ang load ko, nang pumasok ang mga ‘di kanais-nais na TEXT na ito at malaki agad ang nabawas. Mantakin ninyo, ang cell phone user sa buong bansa ay aabot sa 50 milyon, sa P2.50 na ninanakaw sa isang cell phone kada linggo, milyun-milyong piso na ang pinag-uusapan dito!

Ito naman ang CLASSIC na nangyari sa akin – may isa akong SIM, pang mobile landline ko ito, kahit bihira kong gamitin ay monthly ko itong nilalagyan ng load. Nang gagamitin ko ito kahapon, wala palang load, kaya nilagyan ko agad ng P300 para sa isang buwang PROMO na libreng tawag sa mga landline. Batay sa confirmation text na natanggap ko, pumasok ang load na P300 pero nakapagtatakang ‘di makapasok sa PROMO, gayung 10 minuto pa lamang naman ang nakararaan. Nag-balance check ako at ang lumitaw - ZERO balance ang cell phone ko!

Agad akong tumawag sa Service Line ng Network Provider – pinagpasa-pasahan muna ako bago ko nakausap... ang taong nakasagot sa aking tanong…ang simpleng paliwanag niya: Dahil sa 60 days kong hindi nalagyan ng load ang SIM ko ay na-disconnect na ito, pero nang lagyan ko ng P300 na load, kinuha nila ito para sa reconnection fee. Puwede ko na raw gamitin ang cell phone ko pero lagyan ko na lang ulit ng load para sa one month promo na P300 ulit…Ano ang tawag ninyo rito? Ako ang tawag ko – sobrang KASUWAPANGAN at PANLALAMANG sa kapwa!

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]