NI: Celo Lagmay
HABANG masusi nating sinusuri ang mga kasunduan at iba pang makabuluhang isyu na tinalakay sa katatapos na ASEAN Summit, hindi ko pangangahasang husgahan ang resulta ng naturang pagpupulong; kung ito ay makabubuti o makasasama sa ating mga kapit-bansa at sa mismong mga kababayan natin. Manapa, nais ko munang bigyang-diin ang kaugaliang Pilipino na natitiyak kong hinangaan ng 20 lider ng mga bansa at ng iba pang delegado: hospitality o mabuting pagtanggap at pakikitungo sa mga panauhin.
Sa pagpapamalas ng gayong kagandahang-loob, halos isinasakripisyo natin ang ating pagtitimpi, pagpaparaya at pagtitiis. Nang magpatupad ng ASEAN lane sa Edsa, halimbawa, mistulang itinaboy tayo ng mga traffic enforcer sa mga side streets upang maluwag at maginhawang makapaglakbay ang mga delegado.
Walang katapusan ang panggagalaiti ng kapwa nating mga motorista: halos makatulog na tayo sa mga lansangan sapagkat hindi na halos umuusad ang trapik. Gayunman, inuunawa natin ang gayong sitwasyon sapagkat marapat lamang na hindi maatraso ang mga delegado sa pagdalo sa mga pagpupulong. Isa pa, at ito ang pinakamahalaga, dapat matiyak ang kanilang seguridad, lalo na ngayon na ang ating bansa ay kabilang sa hindi ligtas na mga lugar para sa mga dayuhan.
Sa pagtanggap at pakikitungo sa ating mga bisita, marami sa atin ang nagpupumilit na magpamalas ng karangyaan sa paghahanda ng pagkain at sa pag-aasikaso sa kanilang mapagpapahingahan. Hindi pa halos sila nakapagpapaalam, inihahanda naman natin ang nakagawian nating pangkaraniwang pagkain. Lagi itong kaakibat ng nakagisnan nating kaugalian.
Gayunman, naniniwala ako na tayo pa rin ang itinuturing na most hospitable sa daigidig. Bahagi ito ng kulturang Pilipino na ikinintal sa ating utak ng ating mga ninuno.
Mismong si United States President Donald Trump ang nagpahiwatig na siya ay labis na nasisiyahan sa ating pagtanggap sa kanya. Sabi niya: I enjoy... being here. Palagay ang kanyang kalooban at muli niyang pinatunayan ang maigting at malusog na ugnayan ng Pilipinas at ng kanyang bansa. Walang pangingimi ang kanyang pakikipag-usap kay Pangulong Duterte; may kaakibat itong pagbibiruan na naglalarawan ng pagkakatulad ng kanilang mga paninindigan sa pamamahala ng kani-kanilang administrasyon.
Hindi maaaring kaligtaan ang magiliw na pakikitungo ng ating mga kababayan sa mga lider ng delegasyon at sa kanilang mga kasama na nagtungo sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila. Patunay ito nang hindi kumukupas na hospitality ng ating mga kababayan.