NI: Manny Villar

NOONG nakaraang linggo ay tinalakay ko ang kahalagahan ng pagdaraos dito ng ika-31 ASEAN Summit sa gitna ng transisyon sa ating polisiyang panlabas upang itaguyod ang ating soberenya at pagiging kapantay ng ibang bansa. Akma ang dahilan ng tema ng pagtitipon ng ASEAN sa taong ito: “Partnering for Change, Engaging the World.”

Kailangan nating ipagtanggol ang ating kalayaan, ngunit kailangan din nating makilala ang halaga ng pakikisama sa komunidad ng mga bansa. Sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya, lalo na sa larangan ng komunikasyon, naging posible ang integrasyon ng mga ekonomiya, ang pagsasama ng mga kultura at globalisasyon ng kalakalan.

Ngunit may panganib din ang pagbubukas ng mga hangganan at pag-aalis ng mga hadlang sa kalakalan, na dapat harapin ng ASEAN bilang isang organisasyong pang-rehiyon. Kabilang sa mga panganib na ito ang terorismo, ang suliranin sa mga tumatakas mula sa ibang bansa, pagbabago ng klima at iba pang seryosong isyu.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Tapos na ang pagpupulong paglabas ng pitak na ito ngunit inaasahan ko na magkaroon ng nagkakaisang paninindigan ang mga pinuno ng ASEAN sa harap ng mga hamon sa ating panahon. Lahat tayo ay apektado ng mga suliraning ito at ang susi sa paglutas ay mangangailangan ng kooperasyon.

Malaki ang nakataya para sa ASEAN. Ang pinagsamang GDP (Gross Domestic Product) ng rehiyon na may kabuuang $2.55 trilyon noong 2016, ay lumaki ng 4.7 porsiyento sa loob ng isang taon. Tinataya ng Asian Development Bank (ADB) na sa taong ito ay lalaki ng 4.8 porsiyento ang ekonomiya ng ASEAN.

Mahalaga na pabilisin ang integrasyon ng ASEAN sa ilalim ng pangungulo ng Pilipas na may temang “Inclusive, Innovation-led Growth.” Nagagalak ako at sa istratehiyang ito ay kasangkot ang pagpapaunlad ng maliliit na negosyo.

Mula pa noong ako ay maging miyembro ng Lehislatura ay isinulong ko na ang interes ng maliliit na negosyo dahil naniniwala ako na ang mga ito ang mahalagang makina ng paglago ng ekonomiya at ng kaunlaran.

Sa pamamagitan ng integrasyon ng ASEAN ay magiging malaya ang palitan ng serbisyo at produkto sa rehiyon at lilikha sa mas malaking oportunidad para sa mga negosyo ng Pilipinas, na lilikha naman ng maraming hanap-buhay para sa ating mga mamamayan.

Natutuwa rin ako na sa kabila ng sigalot ukol sa South China Sea, naninindigan ang mga kaanib sa ASEAN na dapat lutasin ang anumang pag-aalitan sa mapayapang paraan, ayon sa mga prinsipyo ng batas na pandaigdig, gaya ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Malaki rin ang aking pag-asa na magkakaisa ang ASEAN sa paglaban sa terorismo. Ang pinakahuling halimbawa nito ay ang pag-atake ng mga terorista... sa Lungsod ng Marawi. Ang pagwawagi ng ating sandatahang lakas ay isang malakas na mensahe sa mga terorista, lalo na ang ISIS at mga kaalyado nito, na hindi natin sila papayagan na magkaroon ng ugat sa ASEAN.

Sa pamamagitan ng isang malakas na ekonomiyang pang-rehiyon at matibay na relasyon sa mga makapangyarihang bansa gaya ng China, Russia at Estados Unidos, nagtitiwala ako na matutupad ng ASEAN ang pangarap na binuo 50 taon na ang nakararaan.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)