Patay ang isang sidecar boy habang sugatan ang kuya niyang constructiom worker nang pagbalingan sila ng galit at pagsasaksakin ng kanilang kapitbahay matapos na makipag-away sa live-in partner nito sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Nasawi dahil sa mga saksak sa katawan si Ian dela Roma, 21, pedicab driver, habang sugatan naman si Noel dela Roma, 25, construction worker, kapwa residente ng Capulong Street, Raxabago, Tondo.

Samantala, nasa kustodiya na ng Manila Police District (MPD) ang suspek na si Bernard Morbos, 29, miyembro ng BSL 22 Gang, at kapitbahay ng mga biktima.

Sa ulat ni SPO2 Lester Evangelista, ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 6:20 ng gabi nang mangyari ang insidente sa bahay ng magkapatid.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nabatid na bago ang pananaksak, nagkaroon ng pagtatalo si Morbos at kinakasama niyang si Jasmine Montoya, at sa matinding galit ay kumuha ng kutsilyo ang suspek.

Gayunman, sa halip na si Montoya ang saksakin ay tinarakan ni Morbos si Noel na nakatayo lamang sa harapan ng kanilang barung-barong ngunit nasalag nito ang saksak at nakatakbo.

Dahil dito, pinagbalingan naman ng galit ng suspek ang noon ay nakaupong si Ian at pinagsasaksak ito. - Mary Ann Santiago