Ni: Clemen Bautista
ANG mga senior citizen ay bahagi ng populasyon ng iniibig nating Pilipinas. Sila ang mga kababayan natin na nasa edad 60-pataas na nagretiro na sa trabaho. Sinasabing mahigit pitong milyon ang mga senior citizen sa ating bansa. At kapag sinabing senior citizen, ang kasingkahulugan nito ay nasa bahagi na ng takip-silim ang kanilang buhay. Kung minsan, may nagbibiro pa na ang mga senior citizen, ilang tulog na lamang ay kukunin na ni Lord. Maaring may katotohanan ang nasabing biro sapagkat kapag hindi napangalagaan ang kanilang kalusugan, sila’y nagiging sakitin.
Dahil sa mga nabanggit, ang kalusugan ng mga senior citizen ay sinusuportahan ng kanilang mga maintenance medicine.
Ngunit hindi lahat ng senior citizen ay nasusuportahan ng kanilang mga gamot. Ang dahilan: Kahirapan. Sapagkat nang magretiro sa trabaho ay magkakaiba ang natanggap na retirement pay. Depende sa mga kumpanya na kanilang pinaglingkuran. Sa gobyerno man o pribadong tanggapan at negosyo. Sa mga malaki ang retirement pay, nasisiyahan na sila sa kanilang pagreretiro. May iba na ginagamit sa negosyo ang bahagi ng retirement pay. Ang iba’y nagpapatuloy naman sa pagtatrabaho upang hindi “maburyong” o mainip at hindi maging mabilis ang pagtanda. Kung karaniwang manggagawa ang senior citizen, maliit ang kanilang pensiyon. Kung magkasakit, kulang ang pensiyon para sa pambili ng kanilang mga gamot.
Sa Taytay, Rizal, masasabing masuwerte ang mga senior citizen sapagkat ang pamahalaang bayan, sa pangunguna ni Mayor Joric Gacula, ay may tulong na ibinibigay sa matatanda. Ang bayan ng Taytay ay binubuo ng limang barangay tulad ng Bgy. Muzon, Bgy. San Isidro, Bgy. San Juan, Bgy. Sta. Ana, at Bgy. Dolores. Nasa 20, 500 ang senior citizen sa nasabing mga barangay. Ngunit hindi lahat ay nakatatanggap ng tulong sa pambansang pamahalaan.
Ayon kay Taytay, Rizal Mayor Joric Gacula, ang pagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga senior citizen sa Taytay, lalo na sa masasabing mga poorest of the poor, ay sinimulan niya nang magbalik siya sa panunungkulan noong 2016. Nalaman niya, nang matapos ang kanyang termino bilang mayor noong Hunyo 30, 2013, na maraming senior citizen na hirap sa buhay. Humihingi ng tulong para sa karagdagang pambili ng gamot.
Kaya, nang magbalik sa panunungkulan si Mayor Joric Gacula noong Hulyo 2016, isa sa naging bahagi ng kanyang programa sa panunungkulan ay ang paglalaan ng pondo ng pamahalaang bayan para sa mga senior citizen ng Taytay. Sinimulan ang pagbibigay ng P1,500 cash gift sa mga senior citizen sa bawat barangay noong 2016. At ngayong Nobyembre hanggang Disyembre 2017, tatanggap na muli ng cash gift ang mga senior citizen sa limang barangay ng Taytay. Ang cash gift sa mga senior citizen ay tig-P2,000.
Nagpaabot naman ng matapat na pasasalamat ang mga senior citizen ng Taytay kay Mayor Joric Gacula. Hindi naiwasang maluha ng ilan sa pagpapaabot ng pasasalamat.