UMAASA ang mga lider ng Philippine Basketball Association (PBA) na mareresolba ang anumang isyu na nilikha ng pagpapatalsik kay Commissioner Chito Narvasa bunsod ng kontrobersyal na trade sa pagitan ng San Miguel Beer at KIA sa paglarga ng Board meeting sa Los Angeles, USA nitong weekend.
Nakasalalay sa mapag-uusapan at mapagkakasunduan ng 12 Board of Governors ang kinabukasan ng liga sa hinaharap.
Bahagi rin ng agenda ang pormal na pagtanggap kay NLEX representative Ramoncito Fernandez bilang nagong PBA Chairman.
Naging masalimuot ang takbo ng liga sa nakalipas na araw na mistulang tumabon sa record-breaking attendance ng championship match ng Ginebra at Meralco matapos ang naganap na trade sa pagitan ng KIA at SMB na naging daan para makuha ng Beermen ang No.1 pick na si Fil-German Christian Standhardinger.
Naging usap-usapan ito nang tahasang batikusin ni Alaska owner Wilfred Uytengsu ang pag-sangayon ni Narvasa sa naturang trade na nagresulta para maging ‘super team’ ang Beermen na binubuo nina fou-time MVP Junemar Fajardo at one-time MVP Arwind Santos.
Hindi rin naibigan ng tinaguriang Manny V. Pangilinan bloc ang naging pahayag ni Narvasa hingil sa pagtatangka ng Talk ‘N Text – isa sa tatlong koponan ni MVP sa liga – na kunin ang serbisyo ni Standhardinger na naging miyembro ng Gilas Pilipinas na itinataguyod ng Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) na pinamumunuan ni Pangilinan.
Kasama ng TNT KaTropa ang Meralco, NLEX, Alaska, Phoenix, Rain or Shine at Blackwater,habang magkakampi ang Globalport, KIA, San Miguel, Barangay Ginebra at Star Hotshots.