Naglabas ng pahayag si Department of National Defense (DND) Sec. Gilbert “Gibo” Teodoro kaugnay sa sanctions na ipinataw ng China laban sa kaniya at sa pamilya niya.
Matatandaang inanunsiyo ng Foreign Ministry ng China na pinagbabawalan nila ang pamilya ni Teodoro na tumapak sa kanilang bansa gayundin sa Hong Kong at Macau.
Ito ay matapos umano niyang ilahad ang katotohanan sa likod ng West Philippine Sea at ang mga ilegal na gawain ng China sa Pilipinas.
Kaugnay na Balita: DND Sec. Gibo Teodoro, may 'raw info' sa estrukturang tinatayo ng China sa Bajo de Masinloc!
Sa latest Facebook post ni Teodoro nitong Sabado, Hunyo 13, sinabi niyang bagama’t gusto niyang mapaganda ang defense relations sa pagitan ng dalawang bansa, hindi umano puwedeng sakupin ng China ang teritoryong saklaw ng Pilipinas.
Aniya, “Gusto ko din naman na maganda sana ang defense relations natin sa China pero hindi maari dahil sinusubukan nilang sakupin ang nasa loob ng illegal na 9 dash line. Katrayduran kung sumangayon tayo dito.”
Dagdag pa niya, “Ako ay nananalig sa ating mga diplomats, at ang DND naman ay pinapalakas ang AFP upang mapatupad natin ang misyon nito. At hinihiling ko po sa lahat ng nakakausap o nakakaharap natin ay tunay na galangin ang Pilipinas.”
Sa huli, tiniyak ni Teodoro sa bawat Pilipino na patuloy niyang gagampanan ang kaniyang tungkulin bilang kalihim ng DND.
Palalakasin din umano niya ang estratehiya ng pambansang depensa kasabay ng pagpapatatag ng alyansa sa mga bansang kakampi ng Pilipinas.