Ni: Celo Lagmay
NAGDUDUMILAT ang ulo ng balita: PH, US remain best of friends. Nangangahulugan na sina Pangulong Duterte at US President Donald Trump ay mananatiling matalik na magkaibigan; magiging malapit sa isa’t isa, lalo na ngayong magiging madalas ang kanilang pagdadaupang-palad kaugnay ng Asia Pacific Economic Conference (APEC) at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.
Ang ganitong pagtitinginan ay kabaligtaran ng sitwasyong umiral kina Pangulong Duterte at dating US President Barack Obama. Halos isumpa ng ating Pangulo ang dating administrasyon ng America dahil sa sinasabing panghihimasok nito sa masasalimuot na isyu na gumigiyagis sa ating bansa. Labis na ikinagagalit ng ating Pangulo ang pagpuna ng US sa umano’y paglabag sa karapatang pantao at sa independent foreign policy na isinusulong ng Duterte administration.
Noon, natatandaan ko na hindi miminsang ipinahiwatig ni Pangulong Duterte na hindi siya bibisita sa US sa kabila ng katotohanan na ang Pilipinas ang pinakamatagal na kaalyado ng US. Hindi mapawi-pawi ang kanyang hinanakit sa naturang bansa lalo na kung sumasagi sa kanyang gunita ang sinasabing masaker na isinagawa ng mga sundalong Amerikano noong digmaang pandaigdig; kabilang na rito ang umano’y mistulang pagnanakaw nila sa ating makasaysayang Balangiga Bells ng Eastern Samar.
Ngayon, kapuna-puna ang pagbabago ng klima sa ugnayang Duterte-Trump. Naniniwala ako na nagsimula ito nang tawagan at batiin ng US President ang ating Pangulo sa pagkakapanalo nito noong nakaraang halalan; sinundan ito ng pahiwatig ni Trump na nasa wastong direksiyon ang maigting na kampanya laban sa illegal drugs na talamak sa ating bansa. Lumilitaw na magkatugon ang kanilang pamamahala at mga patakaran.
Dapat lamang nating masaksihan ang ganitong pakikipagmabutihan ng ating Pangulo kay Trump at sa US sa kabuuan. Sa loob ng mahabang panahon, ang US ang nakaagapay sa Pilipinas sa larangan ng ekonomiya at seguridad. Lagi nating itinituring ang naturang bansa bilang ‘Big Brother’, lalo na kung tayo ay nililigalig ng terorismo at ginigimbal ng mga kalamidad. Lagi tayong sinasaklolohan ng mga Amerikano, tulad ngayong hindi pa ganap na napapawi ang usok ng digmaang Maute Group at ng ating mga sundalo at pulis.
Isang malaking kawalan ng utang na loob kung hindi natin tatanawin ang makabuluhang nagawa ng US sa Pilipinas – hindi lamang ng Trump administration kundi lalo na ng nakalipas na mga pangasiwaan sa US. Dahil sa pagiging matalik na magkaibigan ngayon ng ating Pangulo at ni Trump, asahan natin na lalo pang magiging mabunga at kanais-nais ang relasyong PH at US.