Ni MARY ANN SANTIAGO
Sugatan ang 77-anyos na lalaki nang lamunin ng apoy ang kanyang bahay sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Kasalukuyang ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Edgardo Tongco, ng Trinidad Street, kanto ng Herbosa St., sa Tondo. Nalapnos ang kanyang mukha at magkabilang braso.

Sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection, nagliyab ang bahay ni Tongco, kung saan mag-isa lamang siyang nakatira, dakong 1:42 ng madaling araw.
Mabilis namang kumalat ang apoy sa tatlo pang katabing bahay na pawang gawa sa light materials.
Ayon kay Gemma Lumban, kapitana ng Barangay 92 na nakasasakop sa lugar, kinatok niya, at ng ilang kasamahan sa barangay, si Tongco ngunit hindi agad ito nakakilos.
Tumagal ng mahigit isang oras ang sunog at umabot ng ikatlong alarma bago tuluyang naapula, dakong 3:06 ng madaling araw.
Ayon sa Manila BFP, aabot sa P50,000 ang halaga ng natupok na ari-arian at anim na pamilya ang naapektuhan.
Patuloy na iniimbestigahan ang sanhi ng sunog.