Ni: Bella Gamotea
Patay ang isang tanod makaraang saksakin ng nakaalitang senior citizen sa barangay outpost sa Parañaque City, nitong Miyerkules ng gabi.
Nagtamo ng malalim na saksak sa dibdib, dead on the spot si Loreto Sebastian y Caballero, 55, ng Purok 4, Masville, Barangay BF ng nasabing lungsod.
Agad ikinasa ang manhunt operation laban sa suspek na si Erlinda Cainoy, 65, ng Purok 4, Masville, Bgy. BF.
Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), naganap ang pananaksak sa barangay outpost sa Purok 4, Masville, Bgy. BF ng lungsod, dakong 8:00 ng gabi.
Sa inisyal na pagsisiyasat, nagpalitan ng maaanghang na salita ang suspek at ang biktima hanggang sa dumampot ng patalim si Cainoy at tinarakan sa dibdib si Sebastian.
Sa pagmamadaling tumakas sa krimen, naiwan ni Cainoy ang patalim na ginamit niya sa pananaksak.
Nabatid na matagal nang may alitan ang dalawa.