Ni: Rommel Tabbad at Lyka Manalo

Itinaas ang public storm warning signal number one sa Metro Manila at sa 20 iba pang lugar sa bansa makaraang maging ganap na bagyo kahapon ang low pressure area (LPA) sa Philippine area of responsibility (PAR), at tinawag itong ‘Salome’.

Tinukoy ni Benison Estareja, weather specialist ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), na bukod sa National Capital Region (NCR), apektado rin ng bagyo ang Rizal, Bataan, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Masbate, kasama na ang Ticao at Burias Islands, Romblon, Marinduque, Quezon, Laguna, Cavite, Batangas, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Leyte, kasama ang Biliran.

Ayon sa PAGASA, huling namataan ang bagyo bandang 5:00 ng hapon kahapon sa 65 kilometro sa timog-kanluran ng Pili, Camarines Sur.

National

2 taga-Laguna na parehong nanalo sa magkahiwalay na Lotto 6/42 draw, kumubra na ng premyo

Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging 55 kilometer per hour (kph) at may bugsong 90 kph.

Kumikilos ito pa-kanluran-hilagang kanluran sa bilis na 25 kph.

Kaugnay nito, kinansela ang klase sa maraming lugar na apektado ng bagyo.

Samantala, mahigit 500 pasahero ang na-stranded sa Batangas Port kahapon ng umaga makaraang kanselahin ng mga awtoridad ang biyahe ng mga cargo ship at pampasaherong barko na patungong Calapan City, dahil sa masamang panahon.

Ayon kay City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) Operations and Warning Officer Julius Malantic, nasa 540 pasahero ang na-stranded sa pantalan bandang 10:45 ng umaga kahapon.