Ni: Orly L. Barcala
Dahil sa nakasusulasok na amoy, nadiskubre ang bangkay ng padre de pamilya na siyam na araw nang hindi lumalabas ng kuwarto sa Valenzuela City, kamakalawa ng umaga.
Ayon kay PO3 Laude Pillejera, ng Station Investigation Unit (SIU), umalingasaw ang mabahong amoy mula sa kuwarto ng biktimang si Mabini Florentino, 65, ng No. 13-A Tamaraw Hills Street, Barangay Marulas ng nasabing lungsod, bandang 11:00 ng umaga.
Pinuntahan ni Perlita Florentino, nakababatang kapatid ng biktima, ang kuwarto ni Mabini at tumambad ang halos agnas nang bangkay ng huli na nakahiga sa kama.
Ayon kay PO2 Regor Germidia, siyam na araw nang hindi lumalabas ng kuwarto ang biktima.
Napag-alaman na may hypertension si Mabini at posibleng atake sa puso ang ikinamatay nito.
“Nag-iisa lang sa kuwarto itong victim. Hiwalay daw sa asawa at may dalawang anak, pero hindi naman kasama sa bahay,” ani PO2 Germidia.