Ni: Bella Gamotea
Maagang aguinaldo o regalo ang tatanggaping P100,000 accident at life insurance ng 8,000 regular at contractual na empleyado ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ito ay matapos lagdaan ang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan nina MMDA Chairman Danilo Lim at Antonio Rosas, presidente at chief executive officer ng Pru Life U.K. sa simpleng seremonya sa MMDA main office sa Barangay Guadalupe, Makati City kahapon.
Nilinaw ni Lim na bukod sa accident at life insurance, tatanggap din ang mga tauhan ng MMDA ng P10,000 burial benefits.
Nabatid na ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng insurance benefits ang mga kawani ng MMDA simula nang maitatag ang ahensiya noong 1975.
Ikinatuwa naman ng mga empleyado ng MMDA ang mga matatanggap na benepisyo para sa kanilang kapakanan, na anila’y maagang regalo o Aguinaldo para sa kanila.
Layunin ng pakikipagtulungan ng Pru Life U.K. sa MMDA na ayudahan ang mga empleyado ng ahensiya, partikular ang laging nasa peligro sa kanilang pagtatrabaho partikular ang nasa lansangan.