Isang umano’y magnanakaw na nagtangkang mangikil ng pera mula sa isang mag-asawa kapalit ng nanakaw niyang sex video ng mga ito, ang naaresto sa entrapment operation sa Pasig City kahapon.
Kinilala ng pulisya ang nadakip na si Leonel Lora, 33, ng Barangay Palatiw, Pasig. Biniktima umano ni Lora ang isang 35-anyos na babaeng public school teacher at ang 40-anyos na mister nito.
Ayon sa imbestigasyon, dakong 11:00 ng umaga nang arestuhin si Lora nang makipagkita siya sa mag-asawa sa tulay malapit sa Rotonda sa Bgy. Caniogan.
Nabatid sa pulisya na nilooban nitong Oktubre 29 ang bahay ng mag-asawa nang magbakasyon ang mga ito sa Baguio City.
Sa kanilang pag-uwi nitong Nobyembre 4 lamang nila natuklasan na ninakawan sila, at kabilang sa mga tinangay ang computer nila kung saan naka-save ang kanilang mga pribadong video.
Sinabi ng mga imbestigador na may sex video ang mister kasama ang ibang babae, at nabatid na kabilang ito sa mga naka-save sa ninakaw na computer.
Napag-alaman na tinawagan ni Lora ang mag-asawa at humingi sa mga ito ng P100,000 kapalit ng nasabing mga sex video. Nagbanta umano si Lora na ipo-post ang mga video sa online kung hindi magbabayad ang mag-asawa.
Pumayag na magbayad ang mag-asawa, kasabay ng pagsusuplong sa Pasig Police hanggang maikasa ang entrapment at maaktuhan si Lora na tinatanggap ang marked money. - Jel Santos