Limang katao na umano’y gumamit ng mga pekeng dokumento at identification card (ID) ng mga retirado at yumao na palang pulis para makautang ng P1.7 milyon sa Air Material Wings Savings and Loan Association, Incorporated (AMWSLAI), ang naaresto sa entrapment operation sa Pasay City, nitong Sabado.
Kinilala ang mga suspek na sina Gamelba Carreos, Roe Nicor, Ma. Teresa Rasabal, James Bernacer at Rogelio Gonzales, pawang nasa hustong gulang, na kakasuhan ng identity theft, falsification of documents, at syndicated estafa.
Sabado ng hapon nang ikinasa ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP)-Retirement and Benefit Administration Services, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), at Philippine Air Force ang entrapment operation laban sa mga suspek sa tanggapan ng AMWSLAI sa Villamor Airbase sa Pasay City.
Hindi na nagawang pumalag ng mga suspek nang dakpin sila ng awtoridad habang nangungutang ng P1,700,000 sa nasabing tanggapan.
Narekober sa mga suspek ang mga pekeng ID ng dalawang retiradong pulis, na nadiskubreng patay na pala, gayundin ang mga bogus na tseke at dokumento.
Katwiran ng mga suspek, ni-recruit sila ng isang grupo at pinangakuang babayaran ng P200,000 kapag nagtagumpay sa kanilang pangungutang. - Bella Gamotea