Ni BEN R. ROSARIO

Ibinunyag ng Commission on Audit (CoA) na aabot sa P2.45 bilyon pondo ng gobyerno na inilaan sa Yolanda Recovery and Rehabilitation Program (YRRP) ang hindi maayos na naidetalye ng Philippine Coconut Authority (PCA).

Sa kalalabas lang na 2016 Annual Financial Report for Government-Owned and -Controlled Corporations (GOCCs), pinuna rin ng CoA ang isa pang GOCC, ang National Electrification Administration (NEA) sa kabiguang maipursige ang pagbawi sa P279.45 milyon ng YRRP counterpart funds nito mula sa mga electric cooperative.

Sinabi ng CoA na nasa pag-iingat pa rin ng mga electric cooperatives ang balanse ng hindi nagastos na pondo ng YRRP, na inilaan sa pagsasaayos sa mga linya ng kuryente at pagbabalik ng serbisyo nito sa mga lugar na sinalanta ng bagyong ‘Yolanda’ noong Nobyembre 8, 2013.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Ayon pa sa CoA, kuwestiyonable ang naging pangangasiwa ng NEA sa YRRP funds, kabilang ang pagbabayad sa honoraria para sa Task Force Kapatid; ang hindi dokumentadong paggastos sa mga proyekto, at ang pagbabayad sa sahod ng mga regular na kawani.

Sa panig naman ng PCA, matatandaang una nang natukoy ng CoA ang ilang hinihinalang iregularidad at maraming paglabag sa government procurement law kasunod ng auditing nito sa P688.718 milyon para sa Typhoon Yolanda relief operations, at sa anti-coconut scale insect project noong 2015.

Samantala, inialay naman ng Borongan Diocese sa Samar ang lahat ng misa sa Miyerkules, Nobyembre 8, para sa mga nasawi sa pananalasa ng Yolanda.

Ayon kay Borongan Bishop Crispin Varquez, ito ay bilang paggunita sa ikaapat na taon ng pananalasa sa lalawigan ng pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan, na pumatay sa mahigit 6,000 katao.

May ulat ni Mary Ann Santiago