Ni: Francis T. Wakefield at Light A. Nolasco

Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald dela Rosa ang suspensiyon ng Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) sa Regions 3, 4A, at National Capital Region (NCR) hanggang sa Nobyembre 15, 2017, kaugnay ng ASEAN Summit 2017 na idaraos sa bansa.

Sa direktibang ipinadala sa mga director ng Police Regional Offices 3, 4A, at National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Oktubre 27, sinabi ni dela Rosa na layunin ng suspensiyon ng PTCFOR na matiyak ang kaligtasan ng lahat ng pinuno ng iba’t ibang bansa at mga delegado na makikibahagi sa ASEAN Summit 2017 na gagawin sa Metro Manila, Clark sa Pampanga, at Los Baños, Laguna sa Nobyembre 13-14.

“In view of the foregoing, all Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) are hereby suspended for a period of 15 days from November 1 to 15, 2017 in Regions 3, 4A and NCR as part of the security measures to ensure the safety of the leaders of ASEAN-member countries and other delegates,” saad sa memorandum.

National

LPA sa labas ng PAR, malaki na ang tsansang maging bagyo!

Ayon kay dela Rosa, tanging mga law enforcer, kabilang ang mga pulis at sundalo, ang pinahihintulutang magbitbit ng baril sa labas ng bahay.

Sinegundahan naman ito ni PRO-3 Director Chief Supt. Amador V. Corpus at sinabing dapat na nakasuot ng uniporme ang tauhan ng law enforcement agency na maaaring magbitbit ng armas.

Saklaw ng Region 3 ang mga lalawigan ng Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Zambales.