Ni REGGEE BONOAN
NATAPOS na rin sa wakas ang shooting ng Ang Panday na pinagbidahan, idinirek at ginastusan ni Coco Martin. Aminado ang aktor na nahirapan siya sa pelikula bilang bagong direktor kasabay pa ng pag-arte at pag-iisip ng bagong konsepto para sa istorya na naging modern legend na sa Pilipinas.
Marami raw binago si Coco sa Ang Panday kaya bago ang mapapanood sa kanya kumpara kina Fernando Poe, Jr., Janno Gibbs, Jericho Rosales at Sen. Bong Revilla.
Pero ayon sa aktor cum producer at direktor, hindi nila minadali at tinipid ang pelikula para masulit ang ibabayad ng mga manonood sa entry niya sa Metro Manila Film Festival 2017.
“Dugo’t pawis talaga kasi iyong location namin, talagang mahirap. Meron pa kaming cave na pinuntahan sa Biak na Bato.
First time din nag-shooting du’n kasi napakahirap puntahan,” saad ng aktor.
Ibinahagi ni Coco ang shooting nila sa Divisoria na na walang anumang ginalaw sa location.
Marami ang nagsabi na mahihirapan si Coco dahil nga napakaraming tao at paroo’t parito ang mga sasakyan bukod pa sa masisikip ang daan, unless kakausapin ang lahat ng tao at aayusin ang lugar.
“Ipinanganak ako sa indie, natuto ako sa mainstream. Kay Brillante Mendoza ako galing, so ang mindset walang imposible. Ayoko ng parang sobrang structured iyong palengke (kaya) tinuturo ko sa kanila ang strategy.”
Kaya ang sarap daw sa pakiramdam nang matapos ang eksena nila sa Divisoria dahil nangyari naman at mas maganda ang resulta.
Kuwento pa ni Direk Coco, maraming effects at talagang in-update niya ang lahat kaya itinanong namin kung nag-over budget siya bilang producer.
“Hindi ako nag-over budget kasi hindi ko alam (kung) magkano ang budget. Hindi ako nag-set ng limit na hanggang dito na lang tayo,” natawang sagot niya.
Inalam din namin na bale apat ang talent fee niya -- bilang aktor, direktor, producer at siya rin ang creative head.
“Wala, hindi ko na inisip din,” naniningkit ang mga matang sagot ni Coco.
Nabanggit din ng aktor na hindi niya magagawa o mabubuo ang Ang Panday kung wala ang tulong nina Direk Brillante Mendoza, Malu Sevilla, Val Iglesias at Lito Lapid na kinulit niya to the max kung anu-ano ang mga pagkakasunud-sunod at gagawin niya.
“Lagi ko silang tinatawagan kapag may mga tanong ako kaya nagpapasalamat ako dahil talagang inalalayan nila ako hanggang sa matapos.
“Ang hirap kasi sinasabay ko siya sa Probinsyano. Ang sarap ng pakiramdam na sabi ko na, ‘It’s a wrap, pack up.’
Mahigit isang buwan na lang at huhusgahan na si Coco bilang direktor sa Ang Panday sa Disyembre 25.
Samantala, may bago na namang pinagkakaabalahan si Coco dahil nakipag-collaborate siya sa Synergy88 para sa Ang Panday Mobile Game Application na dinebelop nila at pormal na itong ini-launch noong Sabado, Oktubre 28 sa SMX Convention Center.
Ang partners ni Coco bilang creative head uli at founder ay sina Elize Estrada (managing partner/co-founder), Jackeline Chua (Managing Director) at Mike Rivero (Senior Manager for Business Development).
“Nagsimula po ang ideyang ito na mag-combine ang Co (Coco) Syn (Synergy88) kasi habang ginagawa ko ‘yung Ang Panday, naghahanap po ako ng magaling gumawa ng animation and then sinabi po nila (Synergy), mayroon magaling gumawa ng games baka gusto mong tingnan.
“’Tapos nu’ng ipinakita po nila sa akin, sabi ko, ‘ang galing ah, kaya na pala ng Pinoy ito’ kasi hindi naman ako ganu’n ka-updated sa sobrang busy ko kaya hindi ko alam na ang galing na pala gumawa ng Pinoy. Sabi ko, kaya pala nating magkuwento through games at animation.
“’Tapos do’n na nga po nag-start, ‘pinagawa ko ‘yung animation ng Ang Panday sa kanila (Synergy88) ‘tapos habang nagmi-meeting kami, nagbibigay ako ng mga ideas tungkol sa takbo ng kuwento ng Panday ‘tapos in-offer nila ako na, ‘what if mag-collaboration tayo na mag-isip ka ng konsepto mo ‘tapos gagawin naming games’.
“Sabi ko nga, simulan natin sa Panday kasi ang Panday ang kauna-unahang superhero na original na nilikha ng Pinoy na talagang wala tayong pinaggayahan kaya hayun, nag-collaborate kami ‘tapos ako nagsabi kung ano magiging role ni Panday, ano magiging susuotin, sword o weapons niya, ‘yung strategy. Sabi ko, ang games habang naglalaro ka, dapat may kuwento, may sinusundan, may misyon.”
Dagdag pa ng aktor, “Habang binubuo namin ang konsepto, kasi nu’ng araw bago mo gawin ang pelikula, nagsisimula sa komiks, why not baliktarin natin this time?
“Bubuo ako ng concept ko, gawin muna nating games since ang mga kabataan ngayon kapag naiinip at walang magawa at lahat naman halos ay may mga cellphones kaya doon natin simulan sa games at saka natin itawid sa pelikula.”
Madali lang i-download ang Ang Panday computer game sa Google Play at hindi ito mabigat dahil isinabay sa bagal ng Internet sa Pilipinas.
Sabi naman ng isa sa co-founder ni Coco na si Elize, “Puwede siyang malaro maski hindi naka-connect sa Internet basta’t na-download na.”
Kabataan ang target market ng Ang Panday Mobile Game, “Kasi ngayon hindi na kilala si Panday kaya it’s about time na makilala nila sa pamamagitan ng pelikula at nitong game app,” saad ni Coco.
Hindi itinanggi ng Co-Syn na umabot sa seven figures ang puhunan para mabuo ang nasabing game app.