Ni: Clemen Bautista
KUNG ang unang araw ng Nobyembre, batay sa kalendaryo ng Simbahan, ay pagdiriwang ng Todos los Santos o Araw ng mga Banal, iniuukol naman nating mga Pilipino sa paggunita sa mga namayapa nating mahal sa buhay ang ika-2 ng Nobyembre, na itinakda naman ng Simbahan na “All Souls’ Day” o Araw ng mga Kaluluwa.
May naniniwalang ang mga banal ay tinatawag na mga “Hall of Famer” sa “Heroes’ Hall” sa Langit. Ang Langit ay pinanininiwalaan na tunay na Freedom Land o malayang lupain na tahanan ng mga malayang pumili at tumugon sa tawag ng Dakilang Maykapal.
Sa Araw ng mga Kaluluwa, isang magandang pagkakataon ito na kung hindi man nakadalaw sa libingan ng mga mahal sa buhay kung unang araw ng Nobyembre, ang Araw ng mga Kaluluwa ang tumpak na araw na gawin ang paggunita sa mga alaala ng mga namayapang mahal sa buhay. Kung All Souls’ Day, nagdarasal tayo ng pasasalamat para sa mabubuting tao na namayapa na. Silang mga nauna sa atin. Ang kanilang mga salita, nagawa, talino, at pag-ibig ay nakatulong sa ating buhay sa isang natatanging paraan.
Batay sa aral at paniniwala ng Simbahan, matapos ipagdiwang ang maluwalhating pagtatagumpay ng mga banal o ang Triumphant Church, kasunod na ginugunita ang naghihirap na mga kaluluwa ng mga kapatid na nasa Purgatoryo.
Nangangailangan sila ng panalangin at awa upang maging mabilis ang pagpasok sa Kaharian ng Dakilang Lumikha na matagal na nilang minimithi. Nagdurusa at nagbabayad-sala ng kanilang kasalanan. Tinatawag naman ito na Suffering Church.
Ang mga isinilang sa buhay na walang hanggan o ang mga yumao ay nananatili nating mga kapatid kay Kristo. May parusa sa kanilang nagawang pagkakasala nang sila’y namayapa at pinahihintulutan tayo ng Dakilang Lumikha na tulungan sila sa pagbabayad-sala sa pamamagitan ng personal na panalangin, mga pagpapakasakit o sakripisyo, mabubuting gawa, lalo na ang paghahandog ng Misa. Bawat isa sa atin ay makatutulong upang mapaikli ang pagtigil sa Purgatoryo ng ating mga kapatid, kamag-anak, at mga kaibigan at ng mga namatay sa pag-uusig. Ang Purgatoryo ay sinasabi at pinaniniwalaan na isang lugar kung saan ginaganap ang paglilinis para sa mga nagkasala ngunit namatay sa biyaya ng Diyos.
Walang binabanggit na Purgatoryo sa Bibliya ngunit dalawang “literary artist” ang bumanggit sa kanilang sinulat na mga tulang epiko. Ang una ay si Dante Alegierri, isang Italyanong makata na sumulat ng “Dvina Comedia” (Divine Comedy). Ang ikalawa ay si John Milton, isang makatang Ingles na bulag na sumulat naman ng mga epikong “Lost Paradise” at “Paradise Regain”.
Ayon naman sa Aklat ng Makabeo, “Isang banal at kasiya-siyang isipin ang manalangin para sa mga yumao nang sa gayon ay makalaya sila sa kanilang pagkakasala.”
Inilarawan naman ni Pope Leo XIII na ang pagdarasal para sa mga kaluluwa ay isang matibay na ugnayan ng mga nabubuhay sa mga yumao. Bahagi ito ng tulong, pag-usal ng mga panalangin, at biyaya sa mga mananampalataya na nasa piling na ng Dakilang Maykapal, at ng iba pang patuloy na naglalakbay sa daigdig. Isang anyo ng pamilya na ang Hari ay si Kristo.
Ang layunin ay ang pag-ibig sa Diyos at ng bawat isa sa atin.
Ganito naman ang sinabi ni Santa Monica, ina ni San Agustin: “Saan mo man ilagay ang aking bangkay ay walang halaga sa akin. Huwag mo lamang akong kalimutan kung ikaw ay nagmimisa.” ... Ang kamatayan ay ang daan o landas ng mga tao sa kanyang huling hantungan. May naniniwalang ang libingan ay katulad ng isang duyan na pinag-uuguyan ng Dakilang Maykapal sa natutulog Niyang mga anak. Pagdating ng araw ay gigisingin na sila sa kanilang pamamahinga. Sa pananampalatayang Kristiyanong Katoliko, ito ang pinaniniwalaan na Resurrection o Muling Pagkabuhay, at Paghuhukom.
Sa mga Requiem Mass, o Misa para sa mga Kaluluwa, sa mga Simbahan ay ganito ang isang bahagi ng panalangin para sa mga yumao nating mahal sa buhay” “Pagkalooban mo sila, Panginoon, ng kapayapaang walang hanggan at ng liwanag na walang katapusan.”
Ang paggunita at pagdarasal para sa mga kaluluwa ng mga namayapang mahal sa buhay ay isang araw upang mapanatili ang kanilang paniniwala sa Diyos. Pagpapakita rin ng pagmamahal upang makamtan ang walang hanggang pag-ibig ng Dakilang Lumikha.