Ni: Mary Ann Santiago
Hawak na ng mga pulis ang tatlong lalaki na umaming nangholdap, gumahasa at pumatay sa isang magkasintahan habang nagde-date ang mga ito sa isang liblib na lugar sa loob ng isang subdibisyon sa Rodriguez, Rizal kamakailan.
Kinilala ni Rodriguez Municipal Police chief Supt. Hector Grijaldo ang mga suspek na sina Mark Anthony “Tonton” Leonador, Jesus “Jojo” Ubani Jr., at Michael Sales, na umano’y mga kilalang holdaper at adik sa kanilang lugar.
Ang tatlo ang itinuturong suspek sa panghoholdap at pagpatay sa magkasintahang Charmaine Villarias, 21; at John Vincent Umiten, 21, kapwa 3rd year college student ng Colegio de Montalban, at residente ng Barangay San Jose, Rodriguez noong Oktubre 3.
Ayon kay Grijaldo, Oktubre 6 nang una nilang naaresto si Leonador dahil sa ilegal na droga, at kalaunan ay umamin umano itong sangkot sa pagpatay sa magkasintahan.
Sinabi ni Grijaldo na si Leonador din ang nagturo kina Ubani at Sales bilang mga kasabwat niya sa krimen.
Naaresto naman ang dalawa sa follow-up operation ng mga awtoridad nitong Linggo.
Ayon kay Leonador, plano lang nilang holdapin ang dalawa upang may ipambili ng ilegal na droga, pero kalaunan ay nagdesisyon umano si Ubani na gahasain si Villarias.
Pinalagan naman umano ni Umiten ang balak ng mga suspek at nanlaban ito kaya pinatay nila.
Nang maisagawa ang panggagahasa ay nagpasya na rin ang mga suspek na patayin na rin si Villarias sa pagbibigti rito at pagpalo ng matigas na bagay sa mukha.