Ni ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN

Pinaghahanap ngayon ang isang ama matapos niyang mapatay ang lalaking sumaksak sa kanyang anak sa Barangay Baesa, Quezon City, nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktimang si Jojit Iroma, 25, na nasawi sa matitinding saksak na kanyang tinamo bago pa man siya maisugod sa ospital.

Ayon sa hindi pinangalanang saksi, bandang 11:30 ng gabi at naglalakad siyang pauwi nang makita niya ang limang lalaki na pinagtutulungang bugbugin si Iroma, sa pangunguna ni Alan Cañarez.

National

Alice Guo, ililipat sa Pasig City jail kaugnay ng kasong qualified trafficking

Sa kainitan ng bugbugan, nagawang maagaw ni Iroma ang isang patalim at isang beses na tinarakan sa katawan si Cañarez.

Gayunman, nang malaman ang sinapit ng anak ay sumugod sa lugar ang ama ni Cañarez na si Adan Cañarez, na armado rin ng patalim, at sinaksak si Iroma.

Kaagad namang tumakas ang nakatatandang Cañarez bitbit ang patalim na ginamit sa krimen, habang isinugod naman sa ospital ang kanyang anak.

Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang pulisya para matukoy ang kinaroroonan at maaresto ang ama.