Halos 100 porsiyento ng public utility jeepney (PUJ) ang mawawala sa lansangan kapag itinuloy ang jeepney modernization program ng pamahalaan.

Paliwanag ni George San Mateo, presidente ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), 99.9 porsiyento ng 240,000 jeepney ang maaapektuhan sa pag-phaseout sa mga sasakyang 15 taon pataas.

Aniya, hindi naman sila kumokontra sa modernization program, pero iginiit nilang palitan ang isinusulong na panukala.

Hindi, aniya, ito modernization program kundi isang marketing program para ma-promote ang iba’t ibang brand ng mga makina ng sasakyan.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Depensa ni San Mateo, kayang-kaya ng mga local operator na baguhin ang katawan ng mga pampublikong sasakyan para maging akma sa nais ng gobyerno, na makapagbibigay pa ng lokal na trabaho.

Giit niya, makina lang ng sasakyan ang dapat bilhin ng mga operator.

Matapos ang dalawang-araw na tigil-pasada noong nakaraang linggo, nagbanta si Pangulong Duterte na wala na dapat makikitang lumang jeep sa mga lansangan simula sa Enero 2018.

Kaugnay nito, sinabi ni Vice President Leni Robredo na mahalagang makabilang ang mga kinatawan ng mga jeepney operator at drivers, gayundin ang mga pasahero, sa mga talakayan tungkol sa public utility vehicle (PUV) modernization program ng pamahalaan.

“Tingin ko ‘yung mahalaga, bigyan [sila] ng boses, kasi dapat napapakinggan iyong saloobin at mga concerns nila, para napapakinggan iyong grupo,” sinabi ni Robredo sa kanyang lingguhang programa sa radyo na “BISErbisyong Leni”. - Rommel P. Tabbad at Raymund F. Antonio