Ni: Bella Gamotea
Umabot sa 101 katao ang inaresto ng mga pulis sa Simultaneous Police Operation (SPO) sa Taguig City simula nitong Biyernes ng gabi hanggang kahapon ng madaling araw.
Sa ulat sa Southern Police District (SPD), nagsagawa ng SPO ang 132 operatiba ng Taguig City Police sa mga barangay ng Ususan at Pinagsama sa lungsod, dakong 10:00 ng gabi nitong Biyernes, hanggang 2:00 ng umaga kahapon.
Sa naturang bilang, 33 ang naabutang nag-iinuman sa kalye, walo ang walang damit pang-itaas, isa ang nahuling naninigarilyo sa pampublikong lugar, at 59 ang menor de edad na lumabag sa curfew.
Idiniretso naman sa impounding area sa Taguig City Police headquarters ang 32 motorsiklo dahil sa kakulangan ng mga dokumento.
Nasa 224 namang motorcycle rider at motorista ang sinita ng awtoridad sa iba’t ibang paglabag sa batas trapiko.
Samantala, kaagad ding pinakawalan ang mga lumabag sa ordinansa matapos silang paalalahanan ng mga pulis na tumalima o sumunod sa batas, habang ipinasundo naman sa kani-kanilang magulang ang mga nasagip na kabataan.