Ni BELLA GAMOTEA

Kaagad na sinibak at isinailalim sa restrictive custody sa District Public Safety Batallion ng Southern Police District (SPD) ang isang pulis na inirereklamo sa umano’y pananakit sa isang Grade 5 student sa Pasay City nitong Huwebes.

Mismong sa tanggapan ni Senior Supt. Richard Saavedra, batallion commander ng DPSB-SPD, boluntaryong lumantad si PO3 Ferdinand Dator at isinuko ang kanyang service firearm, ID ng Philippine National Police (PNP), at tsapa, kaugnay ng kahaharaping paglabag sa RA 7610 o Anti-Child Abuse Law.

Ito ay makaraang maghain ng reklamo sa Women and Children’s Protection Desk ng Pasay City Police ang 12-anyos na biktima, estudyante sa Grade 5 sa Maricaban Elementary School, matapos malapatan ng lunas sa Pasay City General Hospital ang tinamong sugat sa kaliwang mukha at leeg.

Internasyonal

DFA, nanawagang itigil ang karahasan sa Syria

Matapos mapanood sa telebisyon ang insidente ay kaagad na inutusan ni SPD Director, Chief Supt. Tomas Apolinario Jr. ang Pasay City Police at District Investigation Unit na magsagawa ng background investigation kay PO3 Dator sa lugar kung may kinasangkutan itong kahalintulad na kaso.

Maluwag namang tinanggap ni PO3 Dator ang payo ng SPD director na sumailalim siya sa drug testing bilang bahagi ng imbestigasyon.

Iginiit naman ni Chief Supt. Apolinario na hindi niya kukunsintihin ang mga maling gawain ng kanyang mga tauhan at umapela siya sa mga magulang ng batang biktima na magsampa ng kaso laban kay PO3 Dator.

“Once the criminal case have been filed, then, that would be the time for us to take cognizance of the adminstrative case,” ani Chief Supt. Apolinario.

Batay sa reklamo ng magulang ng bata, nakita nito nang binuhusan ng tubig ng umano’y lasing na pulis ang dumaang paslit, na nagalit kaya kumuha ng bote at ipinukol kay PO3 Dator.

Dito na umano sinakal ni PO3 Dator ang bata, kinuha ang isang tabo na may lamang tubig at inilublob doon ang mukha ng paslit, na nagpumiglas naman at kinagat ang tagiliran ni PO3 Dator.

Lalong nagalit ang pulis kaya ilang beses umano nitong binuhusan ng tubig at hinampas ng tabo sa mukha ang bata, na nagdulot ng pamamaga sa ilalim ng kaliwang mata nito.