Ni Vanne Elaine P. Terrazola
Isinapubliko ng Senado kahapon ang testimonya ni John Paul Solano, ang pangunahing suspek sa pagkamatay ni Horacio “Atio” Castillo III, nang pangalanan niya ang anim niyang “brod” sa Aegis Juris fraternity na sangkot umano sa hazing na ikinamatay ng law student.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs kahapon, isinulong ng ilang senador ang pagsasapubliko sa mga impormasyong inilahad ni Solano sa executive session nitong Setyembre 25.
Ito ay sa kabila ng apela ni Solano na i-reconsider ang resolusyon na nagpapahintulot na isapubliko ang mga impormasyong galing sa kanya—na binatikos naman ng ilang senador at sinabing isang pambabastos sa Mataas na Kapulungan ang delaying tactics ng suspek sa hindi paghahain ng sworn affidavit sa Department of Justice (DoJ).
RUMESPONDE SA EMERGENCY
Sa testimonya ni Solano nitong Setyembre 25, sinabi niyang dalawang beses siyang tinawagan ni Oliver John “OJ” Onofre noong umaga ng Setyembre 17 para magtungo sa fraternity library (fratlib) malapit sa University of the Sto. Tomas (UST) campus sa Sampaloc, dahil “may nag-collapse”.
Ayon kay Solano, nang dumating siya sa fratlib ay binuksan umano ni Axel Hipe ang pinto, at nasa loob ang Aegis Juris “grand prefectus” na si Arvin Balag, ang isa pang brod na si Mark Anthony Ventura, at ang 22-anyos na si Atio, na walang malay sa pagkakahandusay sa sahig.
Binanggit din ni Solano ang isang “Zach” at “Dan”, na pinapunta rin umano sa fratlib. Kinilala sila ni Senator Panfilo Lacson, chairman ng komite, bilang sina Zachary Abolencia at Daniel Ragos.
Sinabi ni Solano na tinangka niyang gisingin si Atio, na inilarawan niyang may “very little” pupils at hindi humihinga, kaya nagsagawa siya ng cardio-pulmonary resuscitation pero bigo siya.
AYAW MAGSALITA
Dumalo rin sa pagdinig sina Balag, Onofre, Hipe, at Ventura subalit tumangging kumpirmahin ang testimonya ni Solano sa paggiit ng kanilang “right to self-incrimination”.
Ayon pa kay Solano, ang driver ni Ralph Trangia, si Romeo Laboga, ang nagmaheho ng pick-up truck patungo sa Chinese General Hospital para dalhin doon si Atio. Ang sasakyan ay pag-aari ng ama ni Ralph na si Antonio Trangia.
Gayunman, tumanggi ang ama ni Trangia na sa kanila ang Mitsubishi Strada pick-up na may plate number ZTU-529, kahit pa kumpirmado ito ng Land Transportation Office.
Tumanggi ring magsalita sa usapin ang iba pang frat members na dumalo sa pagdinig, kabilang sina Aeron Salientes, Mhin Wei Chan, Ranie Rafael Santiago, Zimon Padro, at Jose Miguel Salamat.
Samantala, inamin ni Solano na tinangka niyang magtago makaraang lumabas sa media ang tungkol sa pagiging “good samaritan” niya sa pagdadala kay Atio sa ospital, makaraan siyang mapilitang magsinungaling—sa utos umano ng mga ka-brod niya—nang iwan siya sa ospital ng mga frat member upang makasama ni Atio.
NAGPALABUY-LABOY
Sa kanyang testimonya, sinabi ni Solano na sa takot niya sa kanyang mga magulang ay naglayas siya. Mula sa isang mall sa Pasay ay sumakay siya sa bus patungong Tarlac City, bago nagbiyahe papuntang Pangasinan, at sa panahong iyon ay natutulog sa mga bangketa at mga waiting shed, at bangko sa labas ng mga paaralan.
Aniya, itinapon niya ang kanyang cell phone dahil marami nang tumatawag sa kanya na iba’t ibang numero. Sa natitirang P700 sa kanyang bulsa, bumili siya ng cell phone at tinawagan si “Tatay Divina” dahil nagpasya siyang uuwi na.
Ayon kay UST Civil Law Dean Atty. Nilo Divina, tinutukoy ni Solano ang kanyang ama, na nagsuko sa kanya sa binata.
Matatandaang kay Lacson isinuko si Solano ng kanyang ama.