Ni: Aris Ilagan
TALAGA nga namang puputok ang butsi mo sa mga balita sa telebisyon at sa radyo hinggil sa ikinasang tigil-pasada ng ilang transport group.
Kung sila lang ang pakikinggan natin, parang ang buong ekonomiya ng bansa ay kaya nilang paralisahin bilang protesta sa old jeepney phase out policy.
Ganyan na sila katigas umasta, kumbaga mga “spoiled brat.”
Nagtataka naman ako kung bakit lumuhod ang gobyernong Duterte sa pananakot ng mga nagwewelgang jeepney driver.
Tila hindi na pinag-aralan ang sitwasyon ay bigla na lang nagdeklara ng class suspension at hindi lamang isa, kundi dalawang araw. Maging ang serbisyo ng mga ahensiya ng gobyerno ay apektado dahil wala ring pasok ang kani-kanilang mga empleyado.
Hanggang kailan ba tayo magtitiis ng ganito?
Halos buong bayan ay lumuhod sa kapritso ng mga jeepney driver na walang idinulot kundi pahirapan ang mga mamamayan.
Wala silang ginawa kundi kumontra o magreklamo. Hindi ba sila marunong sumunod kahit paminsan-minsan?
Malinaw ang binitiwang pahayag ni Pangulong Duterte kahapon.
Ayaw na niyang may makikita pang kakarag-karag na jeep sa mga lansangan sa pagpasok ng 2018.
Ayaw na niyang may makalulusot pang bulok na jeep sa pagrerehistro sa ipatutupad na 15-year old jeepney phase out policy.
Ang buwelta ng grupo ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), itutuloy nila ang transport strike sa mga susunod na linggo.
Ano naman kaya ang ginagawa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayon?
Puro dakdak! Puro dakdak!
Ilang beses na kayong nagbanta na aarestuhin ang mga jeepney driver na magdudulot ng perhuwisyo sa mga mamamayan subalit wala naman kayong naipakikitang mga driver na naghihimas ng rehas.
Ilang beses nyo na ring sinabi na kakanselahin ang prangkisa ng mga jeep na nakibahagi sa strike subalit asan na?
Asan na ang listahan ng mga jeep na natanggalan ng prangkisa?
Pagod na ang mga commuter sa kahahabol sa mga bulok na jeep.
Pagod na ang mga commuter sa pagtitiis sa pagsakay sa mga jeep na manipis ang upuan at halos makuba dahil sa mababa ang kisame nito.
Pagod na ang commuter sa pag-upo na kalahating puwetan lang ang nakapirme sa upuan habang ang kalahati ay nakabitin.
Pagod na ang mga commuter sa paglanghap ng maitim na usok mula sa tambutso ng mga bulok na jeep.
Hanggang kailan ba tayo magtitiis?