Ni: Mary Ann Santiago
Patay ang isang construction worker habang sugatan naman ang kanyang katrabaho nang makuryente sa pinaglilingkurang construction site sa Pasig City kamakalawa.
Dead on arrival sa Rizal Medical Center si Edwin Cosipe, 37, ng San Juan 1, St. Francis Subdivision, Gen. Trias, Cavite City habang sugatan naman si Reynaldo Dela Cruz, 19, ng San Juan, Taytay, Rizal; kapwa empleyado ng DDT Konstract Incorporated.
Sa ulat ng Pasig City Police kay Eastern Police District (EPD) Director Police Chief Supt. Romulo Sapitula, naganap ang aksidente sa hagdan sa 14th floor ng Robinson Cyberscape Gamma, na matatagpuan sa Topaz Road, Ortigas Center, sa Barangay San Antonio, bandang 3:55 ng hapon.
Una rito, magkasunod umanong bumaba sina Cosipe at Dela Cruz.
Makalipas ang ilang sandali ay nagulat si Dela Cruz nang magsisigaw si Cosipe at nang tingnan ay nakitang nangingisay ito habang nakahawak sa nadaanan nilang scaffolding, ginamit nilang panguporta sa pagwewelding, na hindi nila napansing nadikit sa live wire.
Binalikan umano ni Dela Cruz si Cosipe at tinulungan hanggang sa pati siya ay nakuryente, ngunit masuwerteng nakabitiw.