Ni Ellalyn de Vera-Ruiz
Siyam sa sampung Pilipino ang sumusuporta sa giyera kontra droga ng gobyerno, ngunit karamihan sa kanila ay naniniwalang may nangyayaring extrajudicial killings (EJKs) sa pagpapatupad ng kampanya, ayon sa Pulse Asia survey.
Sa survey sa buong bansa nitong Setyembre 24-30 sa 1,200 respondents, napag-alaman ng Pulse Asia na 88 porsiyento ng mga Pilipino ay sumusuporta sa drug war ng gobyerno.
Dalawang porsiyento lamang ng mga Pilipino ang hindi suportado ang kampanya, habang siyam na porsiyento ang hindi makapagsabi kung suportado nila o hindi ang kampanya.
Ayon sa Pulse Asia, kaparehong antas ng suporta ang nakuha sa geographic areas at socio-economic groupings (84-94% at 80-89%).
Habang karamihan sa mga Pilipino ay sumusuporta sa drug war, 73% ang naniniwalang may nangyayaring EJK sa pagpapatupad sa kampanya.
Tumaas ang porsiyentong ito mula sa 67% naitala noong Hunyo.
Halos lahat ng Pilipino sa buong bansa at socio-economic classes ay naniniwalang nangyayari ang hindi maipaliwanag na mga pagpatay dahil sa droga (67-78% at 70-77%).
Mula Hunyo hanggang Setyembre 2017, bumaba ang porsiyento ng mga Pilipinong hindi naniniwala na may EJK sa pagpapatupad ng drug war.