Ni Antonio L. Colina IV
DAVAO CITY – Gumanti ng pagtuligsa si Davao City Mayor Sara “Inday” Duterte-Carpio sa oposisyon na si Senator Antonio Trillanes IV, na inakusahan niya ng pagsisinungaling sa sinabi nito na dati ay wala itong nalalaman sa mga alegasyon na ibinabato kay Pangulong Duterte.
Sinabi ng opposition senator sa isang pahayag nitong Huwebes na humingi lamang siya ng suporta sa noon ay mayor ng Davao City para sa kanyang pagkandidato sa pagka-bise presidente noong nakaraang taon bago niya nalaman na ito umano ay “thief and a killer”.
Sa isang Facebook post kahapon ng umaga, muling binalikan ng presidential daughter ang “same old” issues, kabilang ang “Davao Death Squad (DDS)” at human rights violations, na paulit-ulit na ibinabato sa kanyang ama sa loob ng pitong eleksiyon simula 1995 hanggang sa manalo sa panguluhan nitong 2016.
“Na-confine ka ba nang matagal sa mental? Alam na ng buong mundo ang isyu pero ikaw hindi mo pa rin alam? You are lying,” sabi ni Mayor Duterte-Carpio.
Sinabihan ni Sara si Trillanes “(to) prove everybody that piece of sh** paper of bank accounts you are waving is not fake, Pinocchio.”
Tinuligsa ng local chief executive ang opposition senator sa pagtawag sa kanila ng “pamilya ng mamamatay-tao at magnanakaw kami” habang nakakubli sa parliamentary immunity.
Sinabi ni Sara, na tulad ng kanyang ama ay isang “Bisaya” na lumaki sa Mindanao, na hindi siya natatakot sa opposition senator at nakahandang makipaglaban dito kahit abutin pa ng tatlong dekada.
“Kala mo porke’t tahimik ako dahil takot ako, kagwang, umiiwas lang ako sa away. Pero may hangganan ang lahat, now is your time to shine,” sabi niya. “Don’t ask us to prove you wrong, prove first na hindi ka nagsisinungaling. Fight!”
Sina Vice Mayor Paolo Duterte at bayaw nito at asawa ni Inday Sara na si Atty. Mans Carpio ay isinangkot kamakailan ni Trillanes sa Davao Group na umano’y nasa likod ng smuggling activities sa Port of Davao.
Sa Facebook nitong Huwebes, tinuligsa rin ni Sara ang dalawa pang opposition senators na sina Francis “Kiko” Pangilinan at Risa Hontiveros na dati rin umanong humingi ng kanilang suporta sa kanilang presidential at senatorial bids at ngayon ay umaatake kay President Duterte, at nag-organisa ng “Tindig Pilipinas”.