NI: Mary Ann Santiago
Ngayon pa lamang ay nagpalabas na ng mga paalala ang pamunuan ng Manila North Cemetery sa publiko, kaugnay ng nalalapit na paggunita ng Undas sa Nobyembre 1.
Ayon sa abiso ng Manila North Cemetery, simula sa Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2 ay pansamantalang ititigil ang paglilibing sa nasabing sementeryo.
Ipagbabawal din ang pagpasok ng lahat ng uri ng sasakyan simula 6:00 ng gabi ng Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2 at hanggang Oktubre 29 na lamang ang pagpipintura at paglilinis ng mga puntod sa sementeryo.
Muli ring nagpaalala ang Manila North Cemetery na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng baril o anumang matutulis na bagay sa loob ng sementeryo, tulad ng kutsilyo, screw driver, at iba pa.
Bawal din ang pagdadala ng mga alagang hayop, mga bagay na maingay tulad ng gitara, at mga nag-aapoy na bagay gaya ng paint thinner, mga inuming nakakalasing, mga bagay na may kinalaman sa pagsusugal, at maging ang pagsusunog ng basura sa loob ng sementeryo.
Magbabalik naman sa normal ang operasyon sa sementeryo sa Nobyembre 3.