Ni: Bert de Guzman

MANANATILI sa kulungan si Sen. Leila de Lima matapos i-dismiss ng Supreme Court (SC) ang kanyang petisyon na siya’y palayain dahil walang hurisdiksiyon ang Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) sa kanyang kasong illegal drug trade. Siyam na mahistrado ang bumoto na walang merito ang kanyang petisyon hinggil sa pag-iisyu ng warrant of arrest ng Muntinlupa RTC, samantalang anim ang bumoto pabor sa kanyang petisyon.

Hindi maiwasang isipin na ang patuloy na detensiyon niya ay “karma” sa senadora, na dating kalihim ng Department of Justice (DoJ). Naalala n’yo marahil ang pagpigil niyang makalabas sa bansa si noon ay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na nasa airport para magpagamot sa ibang bansa kahit wala namang utos na hindi ito palabasin.

Sa kanyang petisyon, sinabi ni De Lima na dapat ay ang Sandiganbayan ang lumitis sa kanya at ito ang may hurisdiksiyon, hindi ang Muntinlupa RTC. Ayon kay De Lima, dapat ay direct bribery ang ikaso sa kanya at hindi paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act. Gayunman, nagpasya ang SC na ito ang may hurisdiksiyon sa drug charges laban sa kanya noong siya pa ang kalihim ng DoJ.

Si De Lima ay matinding kritiko ni President Rodrigo Roa Duterte sapul nang siya pa ang chairperson ng Commission on Human Rights, na nagpa-imbestiga sa pagkakasangkot ni PRRD sa Davao Death Squad nang si Mano Digong pa ang alkalde ng siyudad. Hindi ito nalimutan ni PDu30 hanggang siya’y maging presidente. Nagbabala pa siya noon kay De Lima na “magpakamatay” na lang o mabulok sa bilangguan.

Para kay National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., ang lumulutang na destabilization attempts laban sa Duterte admin ay “nothing but political noise”. Ayon sa kanya, ang gayong mga plano na patalsikin ang pangulo ay malayo sa katotohanan at “almost non-existent”. Binalewala rin ni Esperon ang sapantaha na wala na ang mass support ni PRRD batay sa SWS survey.

Lumagda sa isang resolusyon ang 24 na kongresista ng pagsuporta sa constitutional independence ng Office of the Ombudsman. Karamihan sa kanila ang mula sa Super Majority na kaalyado ni Pres. Rody. Nagbanta si PRRD na siya mismo ang maghahain ng impeachment complaint laban kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales.