Ni: Erik Espina
PINADALHAN ako ng email ni Atty Paul Oaminal, dating undersecretary at vice chairman ng Dangerous Drugs Board, noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Ang artikulo tungkol sa kasaysayan ng Dangerous Drugs Act sa 1972. “Ito ay batas na nagrebisa ng mga probisyon sa ilalim ng Title V ng Kodigo Penal sa pagbabawal ng opium at iba pang bawal na gamot. Sa deka-dekadang nagdaan, opium ang pangunahing droga sa bansa na ipinakilala ng mga Tsino sa atin.
Lumipas ang Pangalawang Digmaang Pandaigdig ibang droga naman ang dala-dala ng mga Beteranong Amerikano mula sa Korea at sa Vietnam, ang marijuana. Hindi binigyan pansin ng awtoridad ito dahil itinuring na tulad sa pagsisigarilyo o pagsusugal. Nang halayin, epekto ng marijuana, nina Jaime Jose, Basilio Pineda, Edgardo Aquino at Rogelio Canial ang isang sikat na aktres na si Maggie dela Riva sa Hunyo 26, 1967 ay saka bumulaga sa pambansang kamulatan.
Ipinasa ng kongsreso, noong Marso 30, 1972, ang RA 6425 na pangunahing panukala ni Cebu Governor at Senator Rene Espina bilang tugon sa trahedya. Noong Disyembre 4, 1997, isang Grade 4 ang nilugso ng sariling ama. Hindi nag-shabu ang tatay, kundi marijuana. Nangyari ang krimen sa Pardo Cebu City. Libu-libo na ang ni-rape, napatay, ninakawan at naging biktima dahil sa marijuana.
Sa kasalukuyan, nililinlang ng mga drug syndicate ang ilan nating congressman. Pinapalabas na gamot daw ang marijuana. Kinokopya nila ang kalakaran sa ilang estado ng Amerika sa ganitong kaisipan upang mahubog ang pamahalaan, sabay ang madla, na tanggapin ang marijuana bilang medisina. Sa ganito, maari nang lantarang ilako sa mga tindahan ang “damo”. Hindi na nga natin masolusyunan ang problema sa nubain nang isama ito sa dangerous drug noong 2011, pano pa ang marijuana? Kung ipapasa ng Kongreso ang legal na marijuana, asahan ang pagdami ng mga biktima ng rape, murder, at nakawan.
Sang-ayon ako sa pangamba ni Atty. Oaminal. Dito sa Cebu, doble malas ang isinampal ng droga. Dahil sa pagtuturok ng nubain, isang uri ng nakakaadik na “pain killer”, tumaas din ang kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) na dulot ng salit-salitang gamit ng karayom o injection. Tumindi ang hawaan at paglaganap ng nakamamatay na aids.